Rufa Mae Quinto in-explain kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng ‘Go, go, go!’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Rufa Mae Quinto
KNOWS n’yo ba kung saan nanggaling at kung paano nagsimula ang sikat na sikat na dialogue ng komedyanang si Rufa Mae Quinto na “Go, go, go!”?
Ipinaliwanag ng celebrity mom sa guesting niya sa “Fast Talk with Boy Abunda” kung bakit naging bukambibig na niya ang ‘Go, go, go!” sa lahat ng kanyang projects pati na sa pakikipag-usap sa ibang tao.
Chika ng komedyana, ito ang paraan niya para magpasabog ng good vibes at maka-inspire ng ibang tao, lalo na sa mga nawawalan na ng pag-asa sa buhay dahil sa dami ng mga problema.
“Go, go, go! Kasi parang in life nga kailangan mo na lang itawid. Ituloy mo lang basta naniniwala kang maganda ito, tama ito, feel mo ito, go, go, go, fight fight fight, huwag tayong tumigil,” simulang paliwanag ni Rufa Mae.
Sumunod na tanong ni Tito Boy sa aktres, “Sa estado ng buhay mo ngayon, are you content?”
Tugon ni Rufa Mae, “Yes, content, and content creator at the same time.” Tawanan naman ang lahat ng tao sa studio ng “Fast Talk” pati si Tito Boy.
“Hindi, literally kasi nga meron akong YouTube, may reels ako, kaya masayang-masaya ako na malaya akong gawin kung ano lang ‘yung feel ko ganu’n,” sey pa ni Rufa Mae.
* * *
Siguradong kikiligin ang mga manonood ng iWantTFC dahil libre nang mapapanood sa Pilipinas ang “Sparks Camp,” ang unang queer dating reality show ng bansa.
Libreng regalo ito ng iWantTFC, ang Home of Filipino Stories, kung saan maaaring i-stream ang lahat ng episodes sa iWantTFC app (iOS at Android), website, at sa piling devices.
Tampok sa “Sparks Camp” ang sampung lalaking naghahanap ng kanilang “mutual spark” na maaaring magpatibok ng kanilang puso. Unang nagpakilig ang mga camper noong nag-premiere ito noong Mayo kung saan tampok sa serye ang iba’t ibang masasayang challenge at romantic dates para makilala ng campers ang isa’t isa.
Kabilang sa campers ang social media influencer na si Aaron Maniego, tennis player na si Bong Gonzales, video game player na si Alex De Ungria, medical student na si Nat Magbitang, law school student na si Dan Galman, virtual assistant na si Stanley Bawalan, architect na si Karl Bautista, college student na si Justin Macapallag, student jock na si Gabe Balita, at ang business owner na si Nick De Ocampo.
Mula sa direksyon ni Ted Boborol at produksyon ng Black Sheep, kasama rin sa “Sparks Camp” si Mela Habijan, ang kauna-unahang Miss Trans Global, bilang host at “Mother Sparker.”
I-stream ang lahat ng episode ng “Sparks Camp” nang libre sa Pilipinas sa iWantTFC app (iOS at Android) o website. Available rin ito sa standard at premium subscribers worldwide.