Target ni Tulfo by Mon Tulfo
NASA balita araw-araw ang kontrobersiya tungkol sa pamamahagi ng Hacienda Luisita sa mga manggagawa nito.
Binabatikos ang pamunuan ng Hacienda Luisita, na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Noy, sa hindi pagtupad sa Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL).
Ang CARL ay ipinasa noong administrasyon ni Pangulong Cory na ina ni P-Noy.
Hindi ipinamahagi ang malawak na lupain ng Hacienda Luisita dahil binigyan ng stock certificates ang mga manggagawa na nakasaad na sila’y mga may-ari ng hacienda at kikita ng dividendo.
Pero hindi nagtagumpay ang ganoong sistema dahil karamihan sa mga manggagawa ay gusto ng lupa sa halip na stock certificates.
Dahil dito ay nag-strike ang maraming manggagawa ilang taon ang nakararaan at maraming napatay nang sila’y nanlaban sa mga pulis at sundalo na tinawag upang sugpuin ang kaguluhan.
Nakipag-areglo na ang pamunuan ng Hacienda sa mga manggagawa.
Sinabi ng pamunuan na 7,302 na mga manggagawa ng hacienda ang gustong ipagpatuloy ang stock distribution option (SDO) sa halip na ibigay sa kanila ang lupa.
Binatikos ng mga kritiko ang compromise deal sa mga farmers.
Si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, head ng Catholic bishops’ National Secretariat of Social Action, ang nangunguna sa pagbatikos sa compromise deal.
Dapat daw ay makialam si P-Noy sa naging kasunduan at ipamahagi na ang hacienda.
Kahit na ayaw na ng mga manggagawa na ipamahagi sa kanila ang malawak na lupain, hindi maniniwala ang taumbayan na walang hocus-pocus sa compromise deal.
Ang pananaw ng taumbayan ay napilitan ang mga manggagawa na lunukin ang compromise deal kahit na ito’y mapait sa kanila.
Hindi maganda ang pananaw na ito para kay Pangulong Noy.
Kahit na sinasabi niya na maliit lang ang kanyang share sa Hacienda Luisita, hindi maniniwala ang taumbayan na wala siyang impluwensiya sa kanyang mga kaanak.
Sasabihin ng taumbayan na dapat ay ipag-utos niya sa kanyang mga kaanak na namumuno ng hacienda na ipamahagi na ito.
Kung hindi niya mabigyang solusyon ang problema ng Hacienda Luisita, kaya pa ang mas malalaking problema ng bansa?
Ang problema ng Hacienda Luisita ay sisira sa kredibilidad ni Noynoy, gaya ng pagsira sa kredibilidad ng kanyang ina.
Sinong dapat niyang sundin: Ang kagustuhan ng taumbayan o ang katigasan ng ulo ng kanyang mga kaanak na Cojuangco?
* * *
Nagimbal ang Puerto Princesa sa malagim na kamatayan ng pamilya Paiton na sina retired Lt. Commander Ernesto, 59; and kanyyang asawa na si Chief Petty Officer Carmelita, 55; ang kanilang anak na babae na si Erlinda, 21, na isang nars; ang kanilang mga pamangkin na sina Sharon Cabatuan, 19, at Renato Cabatuan, 17.
Ang mga biktima ay natagpuang patay sa kanilang bahay sa loob mismo ng Officers Village ng Naval Forces West headquarters.
Ngayon pa lang nangyari ang ganoong masaker sa Puerto Princesa na isang tahimik na lugar.
Galit na galit si Mayor Edward Hagedorn na magbibigay ng pabuya na P200,000 sa sino mang makapagturo sa salarin o mga salarin.
Wala akong duda na malulutas ang krimen dahil very efficient ang pulisya ng Puerto Princesa.
Bilang weekend resident ng Puerto, alam ko ang kakayahan ng pulisya sa paglutas ng krimen at sa pakikipagtulungan ng taumbayan sa pulisya.
Hindi naitatanong: Si Hagedorn ay parehong mentalidad kay dating Davao City Mayor na ngayon ay Vice Mayor Rody Duterte sa pagsugpo ng krimen.
Hindi ko na sasabihin ang kanilang pamamaraan dahil baka ako ay magkaproblema pa kapag binanggit ko.
Sabihin na lang natin na: The gravity of the offense matches the penalty.
At hindi ko sinasabi na ang korte ang papataw ng kaparusahan.
Bandera, Philippine news at opinion, 081310
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.