GMA nagluluksa sa pagpanaw ni Mike Enriquez, Mel Tiangco napaiyak: ‘His dedication to the industry will serve as an inspiration to all’
LUBOS na nagdadalamhati ang GMA Network sa pagpanaw ng beteranong mamamahayag na si Mike Enriquez ngayong araw, August 29.
Bago matapos ang “24 Oras” ngayong araw ay mangiyak-ngiyak si Mel Tiangco habang inaanunsyo ang pagkamatay ng isa sa mga malalapit niyang kaibigan at kasa-kasama sa pagbibigay ng balita sa mamamayang Pilipino gabi-gabi.
“Malungkot pong ibinabalita ng GMA Network ang pagpanaw ng aming minamahal na Kapuso at kaibigan na si Mike Enriquez,” paghahayag ni Mel sa official statement ng GMA Network ukol sa pagkawala ng batikang mamamahayag.
“Siya po ay 71 taong gulang. Si Mike po ay halos dalawang dekada nating nakasama gabi-gabi dito sa 24 Oras. Mahigit dalawampu’t taon din siyang naging host ng public affairs program na Imbestigador,” pagpapatuloy niya.
Ibinahagi rin nito ang pagiging presidente ng kaibigan sa RGMA Network Inc at pagiging Senior Vice President and Consultant for Radio Operations ng GMA at naging host ng “Super Balita sa Umaga” at “Saksi sa Dobol B”.
“Mahigit limampung taon nang buong pusong naglilingkod sa mga manonood at tagapakinig si Mike na nagsimula sa industriya noong 1969 at naging bahagi ng GMA Network noong 1995.
View this post on Instagram
Baka Bet Mo: Mike Enriquez pumanaw na sa edad 71
Nagluluksa ang buong Kapuso network kabilang ang management, board of directors, at mga empleyado sa pagpanaw ng nakilala bilang “Booma” sa news room.
Ayon pa sa pahayag ng GMA Network ay ang dedikasyong ipinamalas ni Mike sa industriya ay magsisilbing inspirasyon sa lahat ng nakasaksi sa pagsisilbi nito sa bansa sa pamamagitan ng pagpapaabot ng balita at katotohanan sa mga Pilipino sa bawat sulok ng mundo.
“The Board of Directors, management, and employees of GMA Network, Inc. deeply mourn the passing of Mr. Enriquez. His dedication to the industry will serve as an inspiration to all. We pray for the eternal repose of our beloved Kapuso,” ayon sa official statement ng Kapuso network.
Matatandaang noong December 2021 nang sumailalim sa isang kidney transplant ang beteranong mamamahayag.
“‘Yung pinagdaanan ko mahirap. Aside from the procedure itself, may three months mandatory isolation period, and the purpose of that is to avoid the rejection and infection. ‘Yung kidney transplant patients, immuno-compromised sila eh. May comorbidities pa ko, senior citizen, diabetic,” pagbabahagi noon ni Mike ukol sa kanyang naging sakit.
At matapos ang ilang buwang pamamahinga mula sa telebisyon upang magpagaling ay muli itong bumalik noong March 25, 2022.
Nakikiramay ang BANDERA sa mga kaanak at pamilyang naiwanan ni Mike Enriquez.
Related Chika:
Boy Abunda nakipag-usap kay Mike Enriquez matapos pumirma ng kontrata sa GMA; nanawagan kina Heart at Marian
Emil Sumangil sa mga nagsasabing siya na ang next Mike Enriquez: ‘Parang suntok sa buwan…malayo po’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.