Aljon Mendoza lubog pa rin sa baha ang bahay sa Pampanga

Aljon Mendoza naglabas ng sama ng loob, lubog pa rin sa baha ang bahay sa Pampanga: 6 months kaming binabaha or more pa!

Reggee Bonoan - August 21, 2023 - 06:19 PM

Aljon Mendoza naglabas ng sama ng loob, lubog pa rin sa baha ang bahay sa Pampanga: Sa isang taon, 6 months kaming binabaha or more pa!

PHOTO: Instagram/@aljonmendozaa

“KUNG maaalala n’yo nagkaroon ako ng house tour noong 2021, dito ako nakatira at ito ang problema namin ngayon!”

Ito ang panimuna ng isa sa Rise Artist na si Aljon Mendoza habang nakasakay sa bangka na nililibot ang lugar nila sa Macabebe, Pampanga.

Si Aljon ang dating ka-loveteam ni Karina Bautista bago napunta kay Jayda Avanzado para sa youth oriented show na “Teen Clash.”

Napanood namin ang house tour na ito ni Aljon na nakatira sa nasabing lugar kung saan siya isinilang at lumaki.

Simple pero maganda ang bahay na kinalakihan ng batang aktor pero malaki ang lote nila at maraming tanim na gulay sa gilid, may mga magagandang halamanan at may mga bulaklak pa at sa pinakalikod ay nagtayo siya ng basketball ring bilang bonding nilang magkapatid kasama ang tatay niya kapag wala siyang trabaho.

Ipinakita rin ng binata ang simple niyang kuwarto na dama sa video kung gaano siya kasaya at ipinagmamalaki ang bahay nila na aniya ay ipare-renovate nila kapag nakapag-ipon siya.

Probinsyano si Aljon at payak ang kanilang pamumuhay at para makatulong sa pamilya ay sumali siya sa “Pinoy Big Brother Otso” at tinagurian siyang “Ang Shy Charmer” ng Pampanga.

Baka Bet Mo: Xian Lim ‘pinagsabihan’ ng netizens matapos magmotor sa kasagsagan ng bagyo at baha

Napasama siya sa “Star Dreamers Teens” Batch 1 at ka-batch niya sina Seth Fedelin, Karina, Lie Reposposa, Josh Worsley, Art Guma, Jelay Pilones, at Kaori Oinuma.

Bukod sa maraming fans, marunong naman umarte at may charm si Aljon kaya nagkaroon ng projects sa panahon ng pandemya na kung saan ay  sa online platform nanonood ang lahat dahil sarado ang mga sinehan sa kasagsagan ng pandemya.

Pagkalipas ng dalawang taon, ang maganda at simpleng bahay nina Aljon ay lubog na sa baha hanggang baywang at labis itong ikinasasama ng loob ng aktor.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Aljon Mendoza (@aljonmendozaa)

Sa kanyang YouTube channel ay ibinahagi ni Aljon ang itsura ng bahay nila ngayon.  Idinokumento niya ito para ipaalam sa lahat kung ano ang kalagayan nilang mga nakatira sa nasabing lugar.

Teaser ng vlog niya, “Ito ang kauna unahang documentary na aking na-produce. Baha ang palagi naming problema taon-taon. Bagamat maraming tao ang sanay na sa ganitong buhay, nais ko pa rin gumawa ng paraan upang makatulong sa pamamagitan ng paggawa ng dokumentaryong ito.”

Kwento ni Aljon, “taun-taon binabaha ang Macabebe, Pampanga (sabay pakita ang palibot ng bahay nila na puro tubig ang paligid).  Ito ang likod ng bahay namin kung matatandaan ninyo sa house tour ko maraming tanim ang tatay ko, tapos ‘yung ring (basketball court), doon hindi na rin ‘yan lumitaw this year dahil tubig na.

“Iyon ‘yung bahay namin na bagong renovate (ginagawa pa) hindi ko pala na-update sa inyo, nagpa-renovate kami ng bahay (pinataasan) siguro late 2021 wala pang tubig sa loob, pero konting-konti na lang papasukan na.

“Sa isang taon, 6 months kaming binabaha or more pa.  Lumilitaw lang ang daan (kalsada) sa amin kapag summer mga February, March, April, at May.  Pag June ‘yan na ‘yung simula ng pagbaha. Ngayon (2023) ito ‘yung pinakamalalim na baha for the record sa amin,” aniya pa.

Ipinakita niya ang report ni Kabayan Noli de Castro sa TV Patrol tungkol sa mga lugar na baha dulot ng bagyong Egay.

Tuloy ni Aljon, “itong July 24, 2023 ay pumasok sa Philippine area of responsibility ang bagyong Egay at sinundan pa ng bagyong Falcon nu’ng August 1.  Ang Pampanga ang isa sa areas under state of calamity.

“Dahil sa dalawang magkasunod na bagyo at kasabay pa ng habagat alam na ng mga tao ang mangyayari sa aming lugar, babaha na naman, perwisyo na naman, trahedya na naman!”

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Aljon Mendoza (@aljonmendozaa)

Ang mga ikinukuwentong ito ng aktor ay supported ng mga videos na kinukunan niya sa buong paligid ng lugar nila na pati ang mga alagang hayop ay kitang-kita ang lungkot sa kanilang mga mata dahil nakasakay sila sa isang kahoy at hindi magandang maglaro o magtatakbo tulad ng nakagawian.

Sobrang lungkot ang nararamdaman namin habang pinapanood namin ang dokumentaryong ito ni Aljon dahil bakit ang dating maganda at masayang bayan ng Macabebe, Pampanga ay umabot na sa ganitong tagpo?

Ang dahilan, “ayaw paawat ng pagragasa ng tubig (pinakita ang mga lilies) mula sapa, mula sa langit, parang pag-iyak na ayaw tumigil.

“Ang lugar na dating puno ng saya tila napaglipasan na at isa na lang alaala.  Nu’ng medyo kumalma na ang ulan nilibot ko ang mga bahay-bahay sa aming lugar para makita ang kalagayan ng mga nakatira rito.

“Ngayon nandito tayo sa Federoad, ito ay daan tapos doon naman ‘yung sapa, ngayon magka-level na (ang tubig baha).  Kung bababa ako (sa bangka) hanggang beywang na ang tubig o baka mas lampas pa.

“Dati nakikita pa ang daan (kalsada), pero the past few years hindi na talaga lumilitaw.  Hayan ganyan na lang everyday.”

Nadaanan din ni Aljon ang sementeryo na may museleo pa na dati-rati’y punumpuno ng tao para dalawin ang kanilang mahal sa buhay pero ngayon daw ay ni isa ay wala nang napunta dahil, “wala nang naglilibing, paano lilibingan puro tubig na.”

Ipinakita rin ni Aljon ang napundar ng pamilya niya at sinabing, “ito mini-apartment namin dati may mga nakatira ngayon wala na at kalahati na lang ang nakalitaw.  Wala na rin kaming magagawa diyan kasi wala na rin namang bibili ng lupa diyan kahit ibenta kaya hinayaan na lang naming ganyan.”

Napansin naming maraming bahay na tila wala ng mga nakatira at totoo nga.

“Ito (turo ng mga bahay) maraming mga nakatira dati, ngayon wala na isa-isa na silang umaalis at lumilipat sa ibang (lugar) kasi hindi na rin nila matiis ‘to (lubog sab aha).

“Kasi every year bumababa ang lupa dito sa amin at naging effect din ng pagputok ng Mt. Pintubo at isa kami sa naapektuhan na lugar.

“Sa laki ng pinsalang naidulot ng baha mismong mga volunteers na rin ang kumakatok sa pintuan ng bawa’t pamilya para mag-abot ng relief goods (may video).”

May isa pang nadaanang mini-apartment ang pamilya ni Aljon at nagulat siya na may nakatira isang pamilya na apat na taong mahigit nang nagtitiis dahil wala raw silang matirhan at ipinakita rin sa video na ang hinihigaang kutson ng nakatira ay two inches lang ang pagitan sa tubig baha at kapag inabot pa raw ay ipapatong nila ang papag para mas tumaas pero tiyak na abot na nila ang kisame ng bahay nila.

“Itong apartment na ito parte ito ng childhood ko at maraming memories ito dahil dito ako dati naglalaro at marami akong naging kaibigan dito, eventually umalis na rin sila. Ilang beses na rin namin itong pinatambakan pero ganu’n talaga kapag kalikasan na ‘yung ano, mahirap kalaban ang kalikasan,”pahayag ni Aljon.

Base sa research ng aktor ay isang dekada na itong pinatatambakan ng LGU o local government pero walang saysay at ang suhestiyon daw ng karamihan ay magkaroon sila ng maayos na flood control.

Ang ibang mamamayan doon ay nagkaroon ng oportunidad na maging hanapbuhay ang pamamangka at maraming pasahero naman daw araw-araw at kumikita ang bawa’t bangkero ng P700 hanggang P1,000 basta matiyaga kahit umuulan kailangan bumiyahe sila.

“Kaya bumabaha sa Pilipinas dahil madalas ito sa kapabayaan natin sa pag-aalaga sa kalikasan.  Dapat maging handa tayo sa pagdating ng kalamidad pero ang malungkot na reyalidad kapag mahirap ka wala kang choice o option ‘di tulad sa may mga kaya (mayayaman).

“Sa ganitong kaso (ang mga mahihirap) wala silang magawa kundi manatili sa kanilang tinitirhan at magdasal na sana walang mangyaring masama sa kanila.

“Ako, umaasa ako at ginagamit ko ang boses kung anuman mayroon ako para udyukin ang pamahalaan natin sa Pampanga na gumawa ng konkreto at permanenteng solusyon bago pa mahuli ang lahat, bago pa mabura ang bayang kinalakihan ko at minahal ko,” pagwawakas ng batang aktor na si Aljon Mendoza

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Related Chika:

Cristy Fermin dasal pa rin ang paggaling ni Kris, nakatanggap ng larawan ng diumano’y tirahan ng aktres

Lovely Abella ‘dream come true’ ang bagong resort: Magtiwala ka lang, may kanya-kanyang plano si Lord

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending