Vice Ganda gumawa na naman ng kasaysayan bilang unang Pinoy celebrity na nakakuha ng 15 million followers sa Twitter
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Vice Ganda
GUMAWA na naman ng kasaysayan ang Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda bilang unang Filipino celebrity na nakakuha ng 15 million followers sa X (dating Twitter).
Ibinandera ng TV host-comedian ang kanyang latest achievement sa live episode ng “It’s Showtime” kahapon kung saan siya binati ng mga co-hosts sa programa.
“Tingnan mo nga naman o mas dumami pa ang followers ko. Mas marami pa ‘yung nag-follow talaga.
“Sa lahat ng mga naganap, mas dumagsa pa ang followers ko. Maraming salamat talaga. Seriously maraming-maraming salamat sa aking mga Twitter followers,” ang pahayag ni Vice.
“Ang dami n’yo na, 15 million. Nakakatuwa ‘yung first Filipino to have 15 million followers on Twitter, now X,” dagdag pa ni Vice.
Nagpasalamat din siya sa kanyang kaibigan at “It’s Showtime” co-host na si Anne Curtis na siyang nagkumbinsi sa kanya na mag-join sa Twitter.
“Kasi dati, hindi pa masyadong malala ang social media ay Facebook Queen na ako. Ako ‘yung first Filipino naman to reach one million followers sa Facebook.
“Tapos si Anne nagti-Twitter siya, sabi niya, ‘Mag-Twitter ka.’ Sabi ko, ‘Ayaw ko pangsosyal lang ‘yan, saka masyadong nakakaartista.’
“Tapos ngayon mayroon na tayong 15 million. Maraming, maraming salamat. Napakarami diyan ang madlang na nakatutok sa ‘Showtime’ araw-araw,” aniya pa.
Nagsimulang mag-Twitter o X si Vice noong September, 2010 at habang sinusulat namin ang balitang ito ay meron na siyang 15,002,108 followers.
Samantala, in-announce rin ni Vice na ang kanyang game show na “Everybody, Sing!” ay nominated sa Best Asian Original Game Show category sa ContentAsia Awards.
“Congratulations kay Direk Jon Moll at sa buong ‘Everybody, Sing!’ family. Sa ABS-CBN, congratulations. Maganda talaga itong content natin na ‘Everybody, Sing!’
“Bukod sa fun and entertaining ay public service siya at the same time. Kaya naman nakakatuwa na nano-nominate tayo sa mga Asian awards.
“Hindi ba nananalo na tayo sa Asian Academy Creative Awards; ngayon naman sa ContentAsia Awards. Magkaiba siya pero Asian-Asian siya. Kaya naman Philippines, pray with us para manalo ulit ‘yung ating entry diyan sa ContentAsia,” aniya pa.
“Lord, thank you very much. Kaya naman naaaliw talaga ako. Sa lahat nang mga nangyayaring ito ay love talaga ang nararamdaman ko, love and blessings. Thank you so much. Walang puknat love and blessings, thank you,” mensahe pa ni Vice sa madlang pipol.