Allen Dizon naligaw ng landas bilang asawa: ‘Inamin ko naman yung pagkakamali ko…ayokong magkaroon ng broken family ang mga anak ko’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Allen Dizon
NAGPAKATOTOO ang award-winning actor na si Allen Dizon sa pagsasabing may pagkakataong naligaw din siya ng landas pagdating sa kanyang married life.
Inamin ni Allen na talagang maraming tukso at temptation sa paligid lalo pa’t nasa mundo siya ng showbiz kung saan napakaraming magaganda at seksing artista.
Ngunit hindi raw niya hinayaang tuluyang mawasak ang pagsasama nila ng asawang si Crystle at ipinaglaban talaga ang kanilang pagmamahalan.
Kuwento ng aktor sa ”Fast Talk with Boy Abunda” nitong nagdaang Biyernes, high school sweetheart niya ang kanyang wifey na eventually ay naging asawa nga niya.
“Ako kasi Tito Boy ‘yung wife ko, high school pa kami, siya na ‘yung gusto kong mapangasawa and gusto kong makasama habambuhay. So noong nag-showbiz ako, kami na.
“So kahit nagkakaroon ako ng maraming magagandang (babaeng nakikita), maraming gustong ligawan, pero meron nang nanalo sa puso ko eh, kumbaga ito na ‘yung pakakasalan ko,” sey ng beteranong aktor na napapanood sa Kapuso afternoon series na “Abot-Kamay Na Pangarap.”
Ayon pa kay Allen, tulad ng ibang married couple, nagkakaroon din sila ng hindi pagkakaintindihan dahil sa iba’t ibang isyu sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
“Nag-away kami. Tsaka siyempre lalaki tayo, marami nang time na pagkakamali. Pero in-admit ko rin naman ‘yung pagkakamali ko.
“Pero never naman pumasok sa isip ko na makipaghiwalay ako rito dahil mahal ko ito at kailangan kong bawiin ang mga pagkakamali ko.
“May mga anak kami eh, so ayokong magkaroon ng broken family ang mga anak ko,” katwiran pa ni Allen.
Inamin din niya kay Tito Boy na totoong naligaw din siya ng landas bilang isang asawa, pero aniya, hindi niya sinukuan ang relasyon nila ni Crystle.
“Oo naman, naligaw din ako, pero hindi ako pinanghinaan ng loob, kumbaga ‘yung tempation na maraming dumarating nakontrol ko and kailangan kong i-save ‘yung relationship namin.
“Kailangan kong i-save ito dahil walang makaka-save nito kundi ako at siya rin,” pagbabahagi ni Allen Dizon.