Allen Dizon sa tapatan ng pelikula nina Joel Lamangan at Darryl Yap: Gusto ko siyang pag-usapan para magkaalaman kung malakas talaga…
Habang kumakain ang mag-amang Dizon ay natanong namin kung tuloy pa ba sa showbiz ang panganay niya at oo raw pero sa ngayon ay wala namang offer at itong si Crysten ang nabigyan ng karakter sa “Oras de Peligro.”
Si Crysten ang kamukhang-kamukha ni Allen, pati kulay nitong kayumanggi. Open naman ang aktor na mag-artista ang mga anak basta’t hindi mapapabayaan ang pag-aaral.
Biniro namin si Allen na tiyak na madadagdagan na naman ang mga tropeo niya sa pelikulang “Oras de Peligro” dahil minsang nabanggit ng aktor na kapag maganda at challenging ang role ay tinatanggap niya.
Hindi rin siya masyadong partikular sa talent fee dahil importante sa kanya ang award. Pero siyempre dapat kumita ang pelikula para makabawi ang producers.
Tulad niyan makakatapat nila ang pelikulang may kinalaman sa pamilya Marcoses na idinirek ni Darryl Yap pero hindi naman daw siya kabado dahil naniniwala siyang maganda ang pelikula nila na idinirek ni Joel Lamangan.
Sa presscon ay natanong ang aktor tungkol sa tapatang ito, “Gusto ko nga siyang pag-usapan para magkaalaman kung malakas talaga, di ba? Alam naman natin kung gaano katamlay ang pelikulang Pilipino.
“Kailangang bigyan din ng pansin ng mga tao na manood sa mga sinehan ng pelikulang Pilipino, na iyon naman ang dapat.
“Hindi naman ginawa para tapatan. Parang di naman talaga. Parang nagkataon lang. Nagkaroon ng playdate iyong Oras de Peligro, tapos sumabay din ang showing noong kabila,” sabi ni Allen.
Malaki raw ang pagkakaiba ng pelikula nila sa katapat na pelikula, “Hindi naman natin masasabing pinlano o sinadya. Pero same genre, it’s a political movie pero magkaibang interpretasyon. Iba lang ang perspective ng oras, iba rin ang perspective noong Malacanang.
“Gusto lang naman natin na magbalik-tanaw kung ano iyong nangyari noong time na iyon (1986). Alam naman natin ang mga kabataan ngayon, hindi nila alam. Marami nga ang naku-curious, eh, pero at least kahit na short o sa isang pelikula lang, makita nila na ito iyong nangyari noon,” sabi ng aktor.
Bata pa raw si Allen noong nangyari ang 1986 EDSA Revolution, “1977 ako, pero ‘80s siya nangyari kaya wala pa akong masyadong mulat. Di ko naaalala. Although noong time na iyon, naalala ko ang Martial Law, naalala ko iyong time na pinatay si Ninoy (Aquino), iyong time ng People Power, alam ko iyon.
“Hindi ko lang alam kung ano iyong pinaglalaban nila that time. Hanggang ngayon, hindi naman ako ma-politikal, more on, nasa gitna lang ako palagi,” aniya.
Para naman sa anak ni Allen na si Crysten ay nalaman lang niya ang kuwento base sa mga articles na nabasa niya online at naituturo rin daw ito sa eskuwelahan.
“Bilang kabataan at hindi namin inabot iyon (1986 EDSA revolution) ay naipakita dito sa pelikula ang nangyari lalo’t iba-iba ang paniniwala ng ibang tao kaya importante po na mapanood nila ito (Oras de Peligro) para po malaman nila ‘yung dating nangyari,” pahayag ng dalagita.
Mapapanood na ang “Oras de Peligro” sa March 1 handog ng Bagong Siklab Productions.
Bukod sa mag-amang Allen at Crysten ay kasama rin sina Cherry Pie Picache, Therese Malvar, Timothy Castillo, Rico Barrerra, Jim Pebanco, Elora Espano, Marcus Madrigal, Apollo Abraham, Mae Paner, Gerald Santos Dave Bornea, at Allan Paule.
Related chika:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.