Dominic Ochoa sa mga kabataang artista, huwag magyabang: ‘Once pumasok sa ulo n’yo ‘yun, ‘yun ang kakain sa inyo nang buhay’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Dominic Ochoa
PINAYUHAN ng Kapuso at “Abot-Kamay Na Pangarap” actor na si Dominic Ochoa ang mga baguhan at kabataang artista hinggil sa tamang attitude sa mundo ng showbiz.
Unang-unang paalala ng dating Kapamilya star sa mga youngstars ngayon ay ang pagpapasalamat sa mga projects at mga karaketan na kanilang natatanggap.
Paliwanag kasi ni Dominic, malaki ang posibilidad na mapariwara at mawalan ng trabaho ang mga artista dahil sa paghahangad ng mas marami pang proyekto.
Karaniwang nagiging kalaban ng mga aktor o aktres ay ang paglobo ng ulo at ang sobrang kayabangan.
Sinagot ni Dom ang tanong kung may pagkakataon bang sa gitna ng tinatamasang tagumpay sa career ay nag-dialogue siya ng, “I think I deserve more, dapat nandoon ako.”
“‘Yun ang sinasabi ko sa mga kabataan when I get to talk to them. Once pumasok sa ulo n’yo ‘yun, ‘yun ang kakain sa inyo nang buhay.
“Of course paminsan-minsam you tend to compare, but you just have to be thankful,” ang pahayag ni Dominic sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda.”
Sey pa ni Dominic, napakahalaga ng salitang “thank you”, “gratitude” at pagpapakumbaba” sa sinumang nais pasukin at tumagal sa entertainment industry.
“Tapos pangalawa, kung tutuusin, may mas nangangailangan pa sa iyo sa ibaba.
“Ipagpasalamat mo ito, ‘yung magbibilang ka, ‘Bakit parang ang konti ng taping ko?’ Pero mas marami ang walang taping,” pahayag pa ng aktor na mahigit 20 years na sa showbiz.
Dagdag pa niyang advice sa lahat ng mga kabataang artista, ugaliing bilangin ang mga blessings na dumarating sa buhay, “Doon ka mas makakapagpasalamat.”
Sa kuwento ng hit afternoon series ng GMA na “Abot-Kamay na Pangarap” gumaganap si Dom bilang si Michael Lobrin, ang lalaking mas wagas na pag-ibig kay Lyneth played by Carmina Villarroel.
Siya rin ang tumatayong pangalawang tatay ni Dra. Analyn na ginagampanan namam ni Jillian Ward.