Text at photos ni Ervin A. Santiago, Entertainment Editor
HINDI na talaga maaawat ang pag-angat ng career ni Eugene Domingo bilang isa sa mga magagaling at bankable comediennes sa local showbiz. Nagsimula bilang isang stage actress at pa-extra-extra sa mga TV show at pelikula noon, malayung-malayo na nga ang narating ni Uge.
Sa pakikipag-chikahan namin sa kanya, wala kaming ginawa kundi ang tumawa nang tumawa, sa bawat binitiwan kasing linya ni Eugene, hindi mo maiaalis ang pagiging magaling niyang komedyante. Kahit nga raw may mga problema siya, tawa lang siya nang tawa na parang luka-luka!
Narito ang ilan sa mga napag-usapan namin ni Uge na tiyak na kaaaliwan n’yo rin! Enjoy!
BANDERA: Eugene, nakakatulog ka pa ba, kasi parang 24/7 e, nagtatrabaho ka?
EUGENE DOMINGO (ED): Sa maniwala kayo’t sa hindi, may tulog pa rin naman ako. May pahinga pa rin ako. Kahit naman siguro sino, kapag nag-eenjoy kayo sa ginagawa n’yo, talagang makakalimutan mo na ring matulog, di ba? Kasi nga, masaya ka sa mga nangyayari sa buhay mo, sa mga ginagawa mo. Kung gustung-gusto mo yung mga ino-offer sa ‘yo, iba-iba naman, at talagang exciting, hindi ka makaka-feel ng pagod. At sa awa naman ng Diyos, lahat ng ginagawa kong projects ay bago, may variety kumbaga. So, hindi ka talaga magsasawa.
B: Ang payat-payat mo ngayon, dahil ba ‘yan sa halos araw-araw na trabaho? O may taong nagpapa-sexy sa ‘yo?
ED: Hahahaha! May ganu’ng tanong talaga? Bakit halata bang pumapayat ako? Hahahaha! Patay-malisya pa raw! Hindi, desisyon naman ang pagpapapayat, e. Nagdesisyon ako na magbawas ng timbang kasi ayoko nang bumili ng mga bagong damit, kasi ang mamahal. So, kung ito na lang ang size ko baka pwedeng makatipid ka pa sa damit, dahil talagang super expensive ng mga dress ngayon, lalo na kapag artista ka. So, nagsimula sa pag-e-exercise, siyempre, kailangan mo ng energy, magpe-prepare ka, iko-condition mo ‘yung sarili mo, hanggang sa masanay ka na ganu’n na lagi, nagda-diet ka na, conscious ka na sa timbang mo. Kasi lifestyle na ‘yan, talaga, e. Tsaka isa pa, gusto mo rin naman ‘yung maganda ’yung itsura mo sa TV at pelikula. Hindi ‘yung parang nasanay na sila na malaki ka palagi, so parang hindi rin sila nabo-bore sa itsura mo. Importante ‘yun, e, na bawat project na gawin mo iba ka. Actually, wala pa akong time magpa-opera, e! Hahahaha! Opera agad talaga, ‘no!
B: Masaya ka naman sa estado ng buhay mo ngayon?
ED: Ay, oo naman! Sobrang maligaya. Kasi ito naman talaga ‘yung gustung-gusto kong gawin noon pa. Yung magpasaya ng mga tao, ‘yung mag-entertain. ‘Yan ang talagang noon pa, e, pinapangarap ko. So ngayong nandito na ako, might as well, samantalahin na ang pagkakataon, di ba? Kasi hindi natin alam kung hanggang kailan ang swerteng ito. Kahit na may mga kulang sa personal na buhay mo, okay na okay lang dahil naniniwala naman ako sa kasabihang, hindi ibibigay sa iyo ang lahat. Kaya makuntento ka na lang kung anong meron ka at ‘yun ang pagbutihin mo.
B: So, okay lang sa ‘yo kahit wala kang lovelife o isang lalaking magpapaligaya sa ‘yo?
ED: Alam mo, sa totoo lang, tinatanong ko rin ‘yan sa sarili ko. Kasi I’m already 40, di ba? Pero ang iniisip ko, naaalala ko nu’ng bata pa ako, hinding-hindi ko talaga nakikita ang sarili ko na lumalakad sa simbahan at naka-wedding gown. Hindi ko talaga maisip na magpapakasal ako, e. Ang nakita ko ito, nagtatrabaho, lumalabas sa TV, umaarte, nagpapasaya sa mga tao. And at 40, I am living the life that I like, ang buhay na talagang pinangarap ko.
B: Hindi mo pa ba nararamdaman na dapat may lovelife ka na ngayon o may isang lalaki nang nag-aalaga sa ‘yo?
ED: Yung tungkol sa pag-ibig sa isang tao, o relasyon sa isang tao, hindi ko pa ‘yan maramdaman talaga sa ngayon. Ang talagang sinasamantala ko, e, yung binibigay sa aking pagkakataon. Kasi naniniwala ako, lahat natatapos, lahat binabawi, kaya kung hindi ko ito sasamantalahin, baka magsisi ako, at ikabaliw ko! So, ito na muna. Kasi kapag kailangan mo, ibibigay naman sa ‘yo, e. So, baka sabi ni Lord, hindi mo pa naman kailangan, e. Kaya huwag kang magmadali diyan. Matulog ka na lang, pero mag-shower ka muna. Hahahahaha! Si Lord talaga yung nagsasabi nu’n sa akin, ‘no! Hahahaha! Mas sumasagi sa isip ko ‘yan dati, mas pinoproblema ko noon, pero ngayong abot-abot ang mga blessings, masaya ang lahat ng nasa paligid mo, nararamdaman mo ‘yung pagmamahal ng pamilya at mga kaibigan mo, lahat ng opportunities nandiyan na, parang hindi mo na nakikita yung karapatan mong maghanap.
B: Wala bang nanliligaw o nagpaparamdam sa iyo ngayon?
ED: Honestly, walang nagpaparamdam, walang nanliligaw. Huwag kayong magtatawa, pero totoo ‘yan. Siguro busy silang lahat kaya wala. Pero okay lang naman dahil pare-pareho kaming busy ngayon!
B: Kayo ng best friend mong si Ai Ai delas Alas ang pinagsasabong. Sa tingin mo ba, nandu’n ka na sa posisyon na pwede nang makipaglaban sa Comedy Queen? ED: Ai Ai delas Alas is the only Comedy Queen. Siya lang ‘yun at isa ako sa talagang humahanga nang todo sa kanya. Kumbaga, nag-iisa lang siya at walang sinumang makakapalit sa mga nagawa niyang contribution sa industriya ng pelikula at telebisyon. But of course, isang napakalaking karangalan ang maikumpara sa kanya. At natutuwa ako dahil sa tiwala niya sa akin sa pagsasabing ako ang maaaring sumunod sa mga yapak niya. Pero siyempre, alam nating lahat na ibang-iba siya at ibang-iba din naman ako.
B: Hindi ba naaapektuhan ng mga intriga ang friendship n’yo ni Ai Ai?
ED: Naku, hindi! Nakakatuwa nga dahil sa kabila ng lahat ng mga isyung naglalabasan tungkol sa amin, nandiyan pa rin ang friendship namin, at matatag, ha! Yun naman ang mahalaga, at ipinagdarasal ko na walang kahit anong pwedeng sumira niyan. Dahil ‘yung glitter, ‘yung glamour, ’yung fame, mawawala ‘yun but the friendship stays.”
B: Aware ka ba sa isyu na diumano’y naging mag-MU daw kayo ng direktor na si Wenn Deramas?
ED: Oo nga, bakit may ganyan? Saan galing ‘to? Actually, medyo matagal na nga ‘yang kuwentong ‘yan, pero ang masasabi ko lang, talagang nakakadiri. That’s impossible. Kasi para sa akin ang bakla ay bakla! Kapag naging kami, wala na kaming gagawin araw-araw kundi sumuka nang sumuka. Nakakasuka naman talaga, di ba? Pero alam mo, sa totoo lang, kung isang tunay na lalaki si direk, ay walang duda, napakasarap niyang maging mister kasi sobrang responsableng tao. Alam mong hinding-hindi ka niya pababayaan kahit na anong mangyari!
B: May mga tsismis na mapili ka na raw sa mga projects na ginagawa mo, ayaw mo na raw maging support-support?
ED: Naku, hindi naman totoo ‘yan. Produkto lamang ‘yan ng imahinasyon. Ako kasi, basta gusto ko or friend ko, handa akong sumuporta. Sabi ko nga, hindi na uso ang labanan ngayon, hindi na uso ang paistaran, ang mahalaga ngayon sa industriya natin, tulungan. Kaya ako, kahit support lang ‘yan, kahit extra, two-day taping or shooting o kahit pa special participation, dedma, ang mahalaga, makapagpasaya ka ng tao! Imagine sa Kimmy Dora nga, hindi ko pa nasasabi ang buong detalye, yes agad ang answer ni Ms. Regine Velasquez. Asia’s Songbird na ‘yun, ha! Tapos ako, ito pa lang, mag-iinarte na ako? Hindi tama!
B: Totoo bang ikaw na ang pinakamahal ang talent fee sa mga komedyanteng babae sa local showbiz?
ED: Naku, wish ko lang! Wiz! Siguro, i-add mo lahat ng talent fee ko, baka ‘yun, pinakamalaki na nga ‘yun. Pero hindi rin! Sige, wait lang, kukunin ko yung mga payslip ko, tapos i-add nating lahat! Hahahaha! May ipon naman siyempre, sa sobrang sipag ko ba naman na ‘to, kapag hindi pa naman ako nakapag-save, ewan ko na lang! Pero yung highest paid comedienne, di siguro.
B: Kung bibigyan ka ng chance, sino ang gusto mong makasama sa susunod mong project?
ED: Gusto ko si Sarah (Geronimo). Bukod kasi sa super talented siya, parang ang charming niya sa screen. Ang bait-bait ng aura, ‘yung ganu’n. Tsaka alam mo, parang sa tingin ko, mas excited manood ang tao kapag may mga bagong artistang magkasama. Mas type na nila ‘yung mga bagong tandem. Parang pagsamahin si ganyan ang fresh! Pagtambalin mo si ganito at si ganyan, pak! Tingin ko naman, hindi nagkakalayo ang kutis namin ni Sarah, puwede kaming magnanay, pareho kaming morena. O, wala nang kokontra, kung puwede lang naman, suggestion lang!
Bandera, Philippine Entertainment Tabloid, 080410
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.