MULI na namang humirit ang motivational speaker na si Rendon Labador laban kay Unabogable Star na si Vice Ganda.
Nitong Huwebes, July 27, isang video ang ibinahagi nito sa kanyang Facebook page na naglalaman ng kanyang mensahe para sa “It’s Showtime” host.
“Gusto ko lang pong magsalita tungkol dito sa kahayupang pinaggagagawa [nina] Vice Ganda at Ion Perez sa national TV. Wala naman akong pakialam sa kabaklaan n’yong dalawa. I respect and support LGBTQ community. Nirerespeto po natin ‘yan,” panimula ni Rendon.
Pagpapatuloy niya, “Ang hindi ko lang po maintindihan ay kung bakit kailangan ninyong gawin, ipakita ‘yung kahayupan ninyo sa national TV at ang pinakamalala, sa harap pa ng mga bata, sa show ng mga bata, noontime show na pinapanood ng lahat.”
Matatandaang nauna nang pansinin ni Rendon ang naganap sa July 25 episode ng “It’s Showtime” kung saan hindi niya nagustuhan ang pagkain ng icing ng dalawa habang kasama nila sina Argus at Kulot sa segment na “Isip Bata”.
Hindi raw kasi maganda para sa mga bata ang makasaksi ng mga ganitong pangyayari.
“Bakit? Anong rason? Hindi ba kayo makapagpigil o tanga lang kayo? Hindi n’yo ba alam na may lugar para d’yan,” sey ni Rendon.
Maging ang partner ni Vice na si Ion Perez, pamunuan ng Kapamilya show at pati na rin ang Kapamilya network ay tinawag niya ang pansin.
Sabi pa ni Rendon, “Ikaw Ion Perez, isa ka pa. Palamunin ka na nga, ganyan ka pa. ABS-CBN, Showtime, mga tanga ba kayo dyan? Bakit hindi ninyo sinisita? Hijsi kasi pwedeng i-tolerate ‘yang mga ganyang klaseng tao.”
Baka Bet Mo: Rendon Labador pinuna ang kulitan nina Vice Ganda at Ion Perez, nanawagan sa MTRCB
Aniya, gets naman niya na naa-aappreciate nito ang kanyang partner pero hindi nito kailangan na ipakita ito sa telebisyon.
“Vice Ganda lumalaki na ba ang ulo mo? Puro ka kabastusan e. Ok lang na ipakita mo ‘yung appreciation mo kay Ion. Ok lang ‘yun. No question doon. Alam na namin ‘yan. Hindi mo kailangang magpakita ng kabastusan d’yan sa TV,” sey ni Rendon.
Dagdag pa niya, “Huwag naman sa show ng mga bata. Vice Ganda, kung may natitira pa sa’yong utak, umayos ka. ‘Yung lang ang gusto kong mangyari. Hindi ko kasi pwedeng i-tolerate n’yan.”
Hinanap rin ni Rendon ang Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.
“Meron pa bang MTRCB? Nasaan na kayo? Meron pa ba n’un? Kasi kung wala na, tanggalin n’yo na ‘yan. Or kung meron, ang tanong ko, mga tanga ba ‘yung nandyan? Ba’t hindi n’yo masita? Bakita hindi ninyo mabigyan ng warning? Hindi n’yo man lang maitama.
“Ano ba nangyayari sa lahat? Mga palamunin ba kayo ng gobyerno? Kasi kung mayroong isang organisasyon o departamento na inilagay d’yan, kung hindi naman effective, kung wala namang ginagawa, kung puro pa-cute, e tanggalin n’yo na ‘yan. Hinahayaan n’yo e,” giit ni Rendon.
Humingi naman ng paumanhin ang motivational speaker sa netizens kung lagi siyang mukhang galit sa social media.
“Pasensya na Pilipinas kung medyo tingin n’yo, tingin ng karamihan galit ako. Galit ako kasi gusto kong maitama ‘yung mali. Ayaw n’yo kasing magsalita.
“Bottomline, ang gusto ko lang mangyari sa Pilipinas ay tumalino ang mga Pilipino. Magkaroon tayo ng bagong perspective at huwag natjng hayaan ang ganyang klaseng tao na gumawa ng ganyang klaseng tao na gumawa ng mga bagay-bagay na pwedeng lumason sa mga kabataan,” hirit ni Rendon.
Muli naman niyang binigyang mensahe ang Unkabogable star.
“Sana magbago ka na, Vice Ganda. Mag-public apology ka, ‘yan ang gusto kong gawin mo,” sabi pa ni Rendon.
Nagpasalamat naman ang online personality sa mga netizens na siyang nagre-report at nagta-tag raw sa kanya sa tuwing may mga mali silang napapansin.