Vice ibinandera ang 5 ‘unkabogable moment’ sa pagrampa sa GMA Gala 2023: ‘Yung excitement naging tensyon, yung tensyon naging stress but in a good way’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Vice Ganda
MAY limang “unkabogable moments” na na-experience ang Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda sa pag-attend niya GMA Gala 2023 nitong Sabado, July 22, sa Manila Marriott Hotel, Pasay City.
Pinag-usapan nang bonggang-bongga ang pagrampa ni Vice sa red carpet ng event ng GMA 7, pati na ng iba pang mga Kapamilya stars na imbitado sa Gala night.
Dumating si Vice sa venue kasama ang mga kapwa “It’s Showtime” hosts na sina Vhong Navarro, Jhong Hilario at Anne Curtis. Agaw-eksena ang kanilang grupo dahil talagang pinagkaguluhan sila ng members of the press at mga photographers.
Nag-tweet si Vice after ng GMA Gala 2023 at ibinandera nga niya ang limang hindi niya malilimutang eksena habang nakikisaya at nakiki-bonding sa mga Kapuso stars.
Ang unang-unang best moment daw niya ay ang muling pagkikita nila ng dating Kapamilya star na si Bea Alonzo, kasama ang fiancé nitong si Dominic Roque.
Ikalawa ay ang pakikipagkulitan at pakikipagchikahan niya sa ilang Kapuso Gen Z stars kabilang na riyan sina Kyline Alcantara at Mavy Legaspi.
Ang ikatlo raw na best moment niya ay ang makita up close and personal ang idol niyang si Michael V na kamakailan ay nagsabing isa sa mga pangarap niyang mai-guest sa gag show nilang “Bubble Gang” ay ang Unkabogable Star.
Ikaapat na moment na hindi niya makakalimutan ay ang nang makaharap niya ang Kapuso TV host na si Lyn Ching. Doon lang daw nila nalaman na magkapitbahay pala sila.
And lastly, ang ikalima ay nang malaman niyang nagkaayos na raw ang mga kaibigan niyang content creator na sina Zeinab Harake at Toni Fowler na invited din daw sa event.
Marami naman ang nagtanong kay Vice kung nagkita at nagkaharap ba sila ng Kapuso broadcast journalist na si Jessica Soho at ng dating kasamahan niya sa “It’s Showtime” na si Kim Atienza.
Nauna rito, inilarawan ni Vice ang naramdaman niya sa pag-attend sa GMA Gala, “Sobrang nakaka-excite. Yung excitement ko nga sobrang taas. Yung excitement naging tensyon, yung tensyon naging stress but in a good way.
“Nakakatuwa to be able to meet all these wonderful people, to be able to see our friends again na di na namin nakikita, and to be able to mingle with them,” aniya pa.
Simula noong July 1, napapanood na rin ang “It’s Showtime” sa GTV channel ng GMA 7.