Bakit kakaunting solons ang pumalakpak sa SONA | Bandera

Bakit kakaunting solons ang pumalakpak sa SONA

- July 27, 2010 - 01:42 PM

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

ANG pumalakpak ng malakas kay Pangulong Noy sa kanyang State of the Nation Address ay yung mga nasa gallery ng Batasang Pambansa—mga taumbayan na nanood at nakinig. Oo nga’t pumalakpak din ang mga kongresista at senador, pero pakitang-tao lamang o kaya sumunod na lang sila sa palakpak ng mga nasa gallery. Paano nila papalakpakan ang Pangulo, samantalang maaapektuhan sila sa sinabi ni P-Noy na wala nang “quota-quota” at “tongpats” (patong o komisyon) sa mga proyekto sa gobyerno. Alam naman natin na sa komisyon at patong sa presyo ng mga proyekto kumikita ang mga kawatan na mambabatas at mga local officials. Paano sila papalakpak kung wala na silang kikitaain?

* * *

Ibinigay na halimbawa ni Pangulong Noy ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kung saan malaki ang mga kinita ng mga opisyal sa suweldo, bayad tuwing board meetings, pagkain, at iba pang mga perks and privileges. Di man lang daw naglaaan ang mga kawatan na mga opisyal sa MWSS noong panahon ni Gloria ng mga pension para sa mga retiradong empleyado. Binanggit din ni P-Noy ang pagsira ng watershed sa La Mesa Dam kung saan nagpatayo ang mga mokong ng mga residential houses. Ang watershed kasi ay dapat malinis sa mga tao upang walang punongkahoy na maputol dahil ang mga ugat ng punongkahoy ang sumasalo sa tubig-ulan na pumupunta sa dam. Aba’y dapat na ilunod ang mga yan upang mabawasan na ng walanghiya sa gobyerno.

* * *

Ipagpapatuloy ni P-Noy ang kampanya laban sa smugglers at tax evaders upang mas lumaki ang revenue collections ng gobyerno. He singled out an alleged tax evader, yung may-ari ng chain Villarica Pawnshop na nakabili ng kotse na nagkakahalaga ng P40 million, pero hindi nagbabayad ng buwis. Dapat ang habulin ni P-Noy ang mga opisyal at empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpalusot doon sa pawnshop owner. Maraming mga BIR officials and employees na nakikipagsabwatan sa mga malalaking kompanya at mayayaman na negosyante na magbayad ng kaunting halaga sa gobyerno upang paghatian ang tunay nilang buwis. Ganoon din ang mga kawatan sa Bureau of Customs na nakikipagsabwatan sa mga smugglers. Malaking halaga ang hindi napupunta sa gobyerno at sa halip ay napupunta sa mga bulsa ng mga kawatang opisyal at empleyado ng customs. Madali lang solusyonan ang problema ng kaunting buwis at taripa ng gobyerno: Tanggalin sa puwesto ang mga opisyal at empleyado ng BIR at customs na mga kawatan. Alam ng mga taga-customs at BIR kung sino sa kanila ang mga magnanakaw. Ang kailangan lang ay magtanong-tanong ang mga katiwala ni P-Noy kung sino ang mga kurakot sa customs at BIR. Alisin ang mga ito sa kanilang mga puwesto habang sila’y iniimbestiga ng Truth Commission.

* * *

Siyanga pala, bakit pinili ni P-Noy si retired Chief Justice Hilario Davide bilang lider ng Truth Commission? Dapat ay nagtanong-tanong si Pangulong Noy tungkol kay Davide sa kanyang dating mga kasamahan sa Supreme Court at mga empleyado roon. Magtanong-tanong din si P-Noy sa mga abogado na may mga kaso sa Court of Appeals branch sa Cebu. Basta magtanong lang siya at atasan niya ang mga katiwala niya na magtanong nang disimulado. Kapag ginawa niya ang aking suhestiyon, baka magbago ang kanyang isip tungkol kay Davide.

Bandera, Philippine news at opinion, 072710

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending