Tuta patay matapos ihagis ng guwardiya sa footbridge sa QC; animal lovers na-shock
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ang nadismis na security guard dahil sa paghahagis ng tuta sa footbridge at ang lalaking nakakita kay Browny
PATAY ang isang tuta matapos ihagis ng security guard sa isang shopping mall mula sa footbridge sa Quezon City.
Matinding galit ang nararamdaman ngayon ng taumbayan sa nasabing sekyu na kinilalang si Jojo Malecdem at nagtatrabaho sa SM North EDSA, na siyang naging dahilan ng agarang pagkamatay ng nasabing hayop na nagngangalang Browny.
Ayon sa ulat, sinita umano ng security guard ang isang grupo ng mga bata na may dala sa nasawing tuta at pilit na pinaaalis sa nasabing lugar.
Nang tumanggi ang mga bata sa gustong mangyari ng guwardiya, bigla nitong kinuha ang tuta at inihagis mula sa footbridge.
Base naman sa salaysay ng isa sa mga nakasaksi sa pangyayari na si Janine Santos, hindi nila akalain na gagawin iyon ng guwardiya sa mga bata at sa alagang tuta.
“Lahat po ng tao na nakasaksi halos maiyak dahil sa kawalang hiya nung security guard,” sabi ni Janine sa kanyang Facebook post.
Aniya pa, sinamahan ng isang staff ng mall ang mga bata patungo sa pinakamalapit ng veterinary clini pero idineklara na itong dead on arrival.
Ayon sa report, ang cause of death ng tuta ay brain damage at nose bleeding.
Naglabas naman ng official statement ang pamunuan ng SM North EDSA at sinigurong tututukan nila ang isasagawang imbestigasyon sa nangyari.
Tinanggal na rin sa trabaho ang sekyu at hindi na maaaring mamasukan sa kahit anong branch ng SM.
“With extreme sadness, we sympathize with the group of youngsters regarding the incident that happened outside our mall today.
“We have called the attention of the security agency to conduct an immediate and thorough investigation into the matter. The Security Guard has been dismissed and is no longer allowed to service any of our malls nationwide.
“As a pet-friendly establishment, we strongly condemn any acts that endanger or harm the lives of animals,” ang kabuuang pahayag ng nabanggit na establishmento.
Kinondena naman ng Animal Kingdom Foundation ang ginawa ng guwardiya sa tuta. Bukod sa animal cruelty ay maituturing ding child abuse ang ginawang panghaharas at pananakot ng guard sa mga bata.
Ito naman ang pahayag ng RJC Corporate Security Services kung saan nakakontrata ang guwardiya, “We sincerely regret the incident that happened at a mall in Quezon City today involving a group of children and their pet. We are thoroughly investigating this incident together with public authorities and other parties involved.”