Herlene Budol makabawi kaya sa Miss Grand Philippines preliminaries? | Bandera

Herlene Budol makabawi kaya sa Miss Grand Philippines preliminaries?

Armin P. Adina - July 07, 2023 - 02:42 PM

Herlene Budol makabawi kaya sa Miss Grand Philippines preliminaries?

TRENDING agad ang komedyanteng si Herlene Budol makaraan siyang ipakilala kasama ang mga kapwa niya kalahok sa 2023 Miss Grand Philippines pageant sa mga kawani ng midya, ngunit hindi sa kadahilanang inaasam ng isang karaniwang kalahok.

Kumalat sa social media ang bidyo ng bahagi ng programa kung saan nagbigay ng nakalilitong sagot ang bida ng “Magandang Dilag” sa isang tanong na isinalin na sa Filipino, at umani ito ng batikos mula sa netizens. Kaya naglabas ang komedyante ng isang live video kung saan siya humingi ng tawad para sa bulilyaso at nangakong pag-iigihan pa sa hinaharap.

Dumating na ang mahalagang panahon ng pagbawi para kay Herlene sa preliminary competition na nakatakda sa Hulyo 8 sa Grand Ballroom ng Crowne Plaza Manila Galleria sa Quezon City, kung saan din itinanghal ang kontrobersyal na press presentation. Isasagawa rin ng organisasyon ang charity gala night sa gabing iyon, kung saan sila lilikom ng pondo para sa kawanggawa.

Ngunit matinding kumpetisyon pa rin ang kakaharapin ng dalaga mula sa mga malalakas na kalabang umalagwa na sa simula pa lang. Umani na ng mga pagkilala ang mga international runner-up mula sa ilang pre-coronation events, tila iginigiit na seryoso sila sa pagsungkit sa mga pinag-aagawang korona.

Kabilang sina “Supermodel Me” first runner-up Nikki De Moura mula Cagayan de Oro City, 2022 Miss Elite first runner-up Shanon Tampon mula Caloocan City, at 2022 Miss Environment International first runner-up Michelle Arceo mula Quezon City sa walong “Aqua Boracay Angels” na kinilala sa special swimsuit competition na itinanghal sa Aqua Boracay noong nagdaang buwan.

Hindi nakasali si Herlene sa talaan, kung saan naman kabilang din sina Zyra Mae Carbonell mula La Union, Charie Manalo mula Antique, Awroz Ganiban mula Nueva Ecija, Francine Reyes mula Tarlac, at Queen Mongcupa mula Socorro, Quezon City.

Hindi rin kasali ang komedyante sa pagpili sa limang kandidatang nanguna sa swimsuit competition sa Boracay, kung saan napabilang sina Arceo, Tampon, Reyes, Manalo, at De Moura.

Nakabawi naman si Herlene sa isang espesyal na programang isinagawa ng pageant sponsor na Ever Bilena noong isang buwan din, nang tanggapin niya ang “Miss Ever Bilena” award. Ngunit binigyan din ng kani-kanialng award ang iba pang frontrunners. Hinirang si Arceo bilang Miss Hello Glow, Miss Blackwater si Tampon, Miss Careline si De Moura, habang Mis Ever Organics and lumalabas na dark horse ng kumpetisyon na si Ganiban.

Hinirang naman bilang Miss Spotlight ang pageant veteran na si Maria Gail Tobes mula Northern Samar, habang Miss Hyaloo si reigning Limgas na Pangasinan Rona Lalaine Lopez.

Baka Bet Mo: Herlene Budol humingi ng tawad matapos ang viral ‘Q and A’: I’ll try my best to make you proud

Sa mga hindi makadadalo sa preliminary competition show, maaring mapanood ang programa online. Inilunsad ni Miss Grand Philippines National Director Arnold Vegrafria ang sarili niyang online entertainment channel na ALV TV kung saan ipalalabas ang livestreaming ng palatuntunan 7:30 ng gabi.

Sa online channel din mapapanood ang streaming ng 2023 Miss Grand Philippines coronation night. Itatanghal ang palabas sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Hulyo 13, 7:30 ng gabi. Hihirangin ang magiging kinatawan ng bansa sa 2023 Miss Grand International contest sa Vietnam. Kokoronahan din ang susunod na Reina Hispanoamericana Filipinas na lalaban naman sa 2023 Reina Hispanoamericana competition sa Bolivia. Isa pang reyna ang tatanggap ng titulo bilang Miss Philippines Tourism.

Nakatakda ring ipalabas sa ALV TV ang isa pang pambansang patimpalak ni Vegafria, ang Miss World Philippines pageant, maging ang iba pang mga content, katulad ng mga pelikula, konsyerto, sports, at iba pang entertainment programs. Para sa mga detalye kung paano mapapanood ang 2023 Miss Grand Philippines preliminary competition at coronation night, pumunta sa https://alvtv.com

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Related Chika:
Herlene Budol iniyakan ang pamamaalam ng TVJ sa GMA, umaming inalok na maging host sa bagong ‘Eat Bulaga’

International runners-up makakabangga ni Herlene Budol sa 2023 Miss Grand Philippines pageant

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending