Ogie game na game makipag-collab uli kay Michael V; Belle hugot na hugot sa isyu ng kabiguan at pagsubok
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Michael V, Vice Ganda at Ogie Alcasid
KUNG mabibigyan uli ng pagkakataon, payag ang Utimate Singer-Songwriter na si Ogie Alcasid na muling makatrabaho ang matalik niyang kaibigang na si Michael V.
In fairness, hindi na iyan imposibleng mangyari ngayon dahil balik-Kapuso na nga ang husband ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez dahil napapanood na rin sa GTV na pag-aari ng GMA Network ang noontime program nilang “It’s Showtime.”
Nitong Sabado, July 1, ay nagsimula na ngang umere sa GTV Channel ang programa ng ABS-CBN na pinangungunahan nina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Ogie Alcasid, Kim Chiu at marami pang iba.
Matapos maganap na contract-signing ng ABS-CBN at GTV kamakailan ay nabanggit ni Ogie na nakausap niya si Bitoy na dati niyang kasama sa Kapuso gag show na “Bubble Gang.”
“I would love to work with him again,” ang excited na sabi ni Ogie na hindi naman malayong mangyari dahil nga sa bonggang collab ngayon ng GMA at ABS-CBN.
Sa tanong kung posible rin ba siyang mapanood sa “Bubble Gang”, “Maybe. Hindi ko alam. Who knows, if kaya pa ng powers ko.”
At kung magkakaroon sila ng reunion project ni Bitoy, anong gusto niyang tema o konsepto, “Hindi ko alam eh, kung ano man ang…maganda siguro gumawa ulit kami ng mga sketch. Pero si Bitoy na bahala nu’n, siya ‘yung creative guy, eh.”
Ilan sa markadong tambalan nila Bitoy at Ogie ang mga karakter nina “Yaya” at “Angelina.”
Samantala, in-announce na ng GMA na simula sa July 9, mapapanood na ang “Bubble Gang” tuwing Sunday, 6 p.m.. Papalit naman sa timeslot ng gag show nina Bitoy every Friday ang “Amazing Earth” hosted by Dingdong Dantes.
* * *
Kwento ng pagsubok at pag-asa sa buhay ang ibinida ng New Gen Phenomenal Actress at singer-songwriter na si Belle Mariano sa kanyang bagong album na “Somber” na inilunsad sa ilalim ng Star Pop.
Sa anim na tracks ng album, binigyan diin ni Belle ang pagiging matatag sa gitna ng mga kabiguan. Kasama ni Belle sa pagsulat ng mga awitin ang Kapamilya artists na sina Cesca, Trisha Denise, at Jeremy G habang nanguna sa produksyon ng album si Star Pop label head Rox Santos. Ito rin ang unang bahagi ng kanyang two-part album.
Hatid naman ng key track na “Somber and Solemn” ang mensahe ng pagtanggap ng mga pagkakamali at pagpapahalaga sa buhay sa gitna ng pagsubok. Ilan pa sa original tracks ng album ang “Roadtrip,” “Session Road,” “Pansamantala,” “Running Out of Time,” at “Bugambilya.”
Nanguna agad ang “Somber” sa iTunes Philippines Albums chart habang pasok ang lahat ng tracks nito sa Top 30 ng iTunes Philippines Singles chart sa loob lamang ng tatlong araw.
Nakatakda naman ilabas ang ikalawang bahagi ng album ni Belle na tatawaging “Solemn” sa susunod na taon.
Nakilala si Belle sa kanyang pagbida sa iba’t ibang proyekto tulad ng hit series na “He’s Into Her” at rom-com hits na “Love Is Color Blind” at “An Inconvenient Love.” Bukod sa pag-arte, inilabas din niya ang singles na “Sigurado” at “Tanging Dahilan” na naging bahagi ng kanyang debut album na “Daylight” noong 2021.
Pakinggan ang latest album ni Belle na “Somber” available sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang Star Pop sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok.