Michael V gustong mag-guest si Vice Ganda sa bagong ‘Bubble Gang’: ‘Sana nga mabigyan ng chance’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Vice Ganda at Michael V
MABILIS ang naging sagot ng Kapuso comedy genius na si Michael V nang matanong kung sino sa mga Kapamilya stars ang gusto niyang mag-guest sa “Bubble Gang.”
“Si Vice Ganda!” Yan ang sagot ni Bitoy sa presscon ng “Bubble Gang” last Friday kung saan in-announce nga ang paglipat nito sa bagong timeslot — mula Biyernes, mapapanood na ito tuwing Linggo sa GMA tuwing 6 p.m..
In fairness, posible na itong mangyari ngayon dahil nga sa bagong collaboration ng GMA Network at ABS-CBN — ang pagpapalabas ng “It’s Showtime” sa GTV na nagsimula na last Saturday, July 1.
“Vice Ganda has always been open to collaboration tsaka the last time we met, last time nagkausap kami, lagi niya sinasabi, ‘Sana makapag-guest ako sa Bubble Gang’ So, sana mabigyan ng chance,” pahayag ni Bitoy.
Aniya, magandang pagsamahin si Vice Ganda at ang isa mga pinasikat niyang character sa longest-running gag show sa bansa na si Mr. Assimo.
Bukod dito, pinaplano na rin daw nina Bitoy ang paggawa ng pelikula na pagbibidahan niya bilang si Mr. Assimo at may script na raw siya para rito.
“In fairness to us ‘yung Mr. Assimo dapat it was in the works. I have the script ready na. Kaya lang nagkaroon ng konting delay, inabutan na ng pandemic.
“I think if ever we are going to produce a movie out of the show. I think that’s next in line,” aniya pa.
Samantala, sa darating na July 9, mapapanood na ang bagong “Bubble Gang” sa Sunday Grande sa Gabi ng GMA at 6 p.m.. Maraming nawala sa cast members pero may mga kapalit naman ang mga ito.
Bukod kay Bitoy, mananatili pa rin sa Kapuso comedy show sina Paolo Contis, Betong Sumaya, Chariz Solomon at Kokoy de Santos.
“It’s a welcome change for us. For the longest time, Bubble Gang has been running ng Friday nights, so this time around, sa Sunday night medyo mas wholesome ‘yung timeslot niya.
“Mas challenging for us. Hindi naman ganun ka-challenging sa dami na ng restrictions ngayon na ginagawa namin, parang itong Sunday, 6 p.m. earlier timeslot is actually hindi naman ganun kalaking challenge.
“Basta, it’s for the wider audience so we have to be very-very conscious about the content we are giving to our audience,” aniya pa.
Ang ilan sa mga nawala sa gag show ay sina Valeen Montenegro at Sef Cadayona habang ang nadagdag naman ay sina Buboy Villar, Ana Barro, Edgar Allan Guzman at Chesca Fausto.