Bobo ang mga Comelec Commissioners | Bandera

Bobo ang mga Comelec Commissioners

- July 21, 2010 - 06:16 PM

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

NAKAKAHIYA naman itong Korte Suprema natin.
Biro n’yo, nangopya sa desisyon ng ibang tao at ipinalabas na ang ginamit na mga salita ay sa kanila!
Ang tawag diyan sa Ingles ay plagiarism.
Ang plagiarism ay parang pagnanakaw dahil kinuha mo ang ideya o salita ng ibang tao nang walang pahintulot.
Ibinulgar ng dalawang abogado na sina Harry Roque at Romel Bagares ang pangongopya ng Korte Suprema sa argumento ng Yale Journal of International Law, Western Reserve Journal of International Law at Cambridge University Press sa desisyon sa mga sex slaves noong panahon ng Hapon.
Sinabi ng Korte sa desisyon na walang kapangyarihan ito na utusan ang executive department o Malakanyang na suportahan ang comfort women sa kanilang paghain ng demanda laban sa Japanese government for crimes against humanity.
Baka tamad magsulat sa salitang Ingles ang mga justices natin sa Supreme Court kaya’t nangopya na lamang sila sa desisyon ng iba.
Kasi kapag nangopya sila ng trabaho ng iba hindi na kailangan silang mag-isip.
* * *
Hindi raw iimbestigahan ng Supreme Court ang akusasyon nina Attorney Roque at Bagares na nag-plagiarize ang isa sa kanila at nangopya ng desisyon ng ibang tao.
Ayaw nang palakihin ng Korte Suprema ang isyu laban kay Associate Justice Mariano del Castillo na sumulat ng desisyon.
Siyempre, kapag pinalaki nga naman ay baka lahat ng mga justices sa Korte Suprema ay madamay pa.
In fairness to Del Castillo, baka hindi siya mismo ang sumulat ng desisyon kundi ang kanyang mga “ghost writers” o researchers.
Akala ba ninyo ang mga justices ang gumagawa ng desisyon? Nagkakamali kayo kapag iyan ang inyong akala.
Karamihan o lahat ng desisyon ng Korte Suprema ay ginawa ng mga “nasa ibaba,” yung mga taong nagtatrabaho sa opisina ng mga justices.
Ang ginagawa na lang ng mga justices ay basahin ang ginawang desisyon ng kanilang mga tauhan at pirmahan na lang ito.
* * *
Ganoon din ang mga batas na ipinapasa ng ating Kamara de Representantes at Senado.
Ang mga mambabatas natin ay taga-utos lang sa kanilang mga staff na isulat ang panukalang batas na ipapasa nila sa Mababa at Mataas na Kapulungan.
Ang iba pa nga riyan ay pumipirma na lang kahit na hindi nila nabasa ang panukalang batas.
May kaibigan akong mambabatas na umamin na nabigla na lang daw siya nang pag-uusapan sa publiko ang isang naging kontrobersiyal na batas na inaprubahan sa Kongreso at Senado.
Hindi raw niya ito binasa nang ibinigay ito sa kanya. Basta pinirmahan na lang daw niya ito dahil kinausap siya ng kanyang mga kasamahan.
Hindi sinabi ng aking kaibigan na nalagyan siya ng suhol noong mga kapwa niya mambabatas na nagpapirma sa kanya.
Ganoon ka-bulok ang ating sistema.
Kung ang ating mga mambabatas na tumatanggap ng suhol kapag sila ay nagbigay ng kanilang pirma sa isang panukalang batas, paano mo pipigilin ang maliliit na empleyado sa gobyerno—halimbawa yung nasa Bureau of Customs at mga pulis—na tumanggap ng lagay?
Kung nagnanakaw ang mga nasa itaas, bakit hindi magnanakaw yung mga nasa ibaba?
* * *
Hindi pantay ang pagbibigay ng desisyon ng Commission on Elections.
Binigyan ng Comelec ng pahintulot si Mikey Arroyo, anak ni dating Pangulong Gloria, na kumatawan sa mga security guards at tricycle drivers sa Kongreso bilang party-list representative.
Pero hindi pinayagan ng Comelec ang isang mayamang negosyante na si Teodorico Haresco na kumatawan sa maliliit na nanininda.
Ano’ng ipinagkaiba nina Arroyo at Haresco?
Bobo ang present crop of Comelec commissioners.

Bandera, Philippine News and opinion, 072110

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending