JoWaPao loyal na loyal sa TVJ: ‘Hindi mo pwedeng mabili ng kahit magkanong halaga ng pera ang utang na loob at respeto’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Jose Manalo, Wally Bayiola at Paolo Ballesteros
HINDI nagdawang-isip sina Jose Manalo at Wally Bayola na tanggihan ang umano’y alok ng TAPE Incorporated na manatili sa “Eat Bulaga” ng GMA 7 kapalit ng napakalaking halaga ng talent fee.
Ayon sa kumalat na chika pagkatapos magpaalam sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon at ang iba pang legit Dabarkads sa TAPE, agad na inalok sina Jose, Wally at Allan K na huwag mag-resign at dodoblehin nga ang kanilang sweldo sa programa.
Ngunit mas nanaig ang pagmamahal at pagrespeto nila sa TVJ kaya hindi nila ito tinanggap hanggang sa mapabalita na nga na sumama sila sa paglipat ng iconic trio sa TV5, pati na rin sina Maine Mendoza, Ryan Agoncillo at Ryzza Mae Dizon.
Paliwanag ni Jose sa mediacon ng TVJ sa TV5 noong Lunes, June 20, “Una kasi niyan, ang unang iniiwan, JoWaMao—Jose, Wally, Mamao.” Tawanan ang lahat ng nasa studio ng Kapatid Network na ang tinutukoy pala na “Mamao” ay si Allan K.
Kumambiyo naman agad si Jose at sinabing JoWaWow raw ang gusto niyang sabihin, “Wow, ganda!”
Pagpapatuloy ng komedyante at TV host, “Hindi po, kagaya nga po ng sinabi ko, parang hindi mo pwedeng palitan o hindi mo pwedeng mabili ng kahit anong pera, kahit gaano kalaking halag ang utang na loob o respeto.
“Meron ngang nagsasabi, mabubuhay ka ba du’n sa prinsipyo mo? Oo, e…yun ang gusto namin. Kapag may prinsipyo ka, ibig sabihin, yung pagtanaw mo ng utang na loob, dire-diretso yan. Yung blessing na darating sa yo, mas maganda.
“At yung ipinakita po sa amin ng TVJ at ng Eat Bulaga, ginawa kami na kahit saan kami nanggaling, tinuruan nila kaming humawak ng kutsara’t tinidor. Yun po ang mga natutuhan, kung paano sumubo, ngumuya.
“Mukha lang po ang hindi maayos talaga, mahirap. Pero yung utang na loob po talaga, hindi na po namin puwedeng talikuran ang mga ganong bagay,” pahayag pa ng veteran comedian.
Pahayag naman ni Wally, “Katulad din nga ng sinabi ni Jose, hindi rin mapapantayan ng kahit na anong halaga po ang loyalty namin sa TVJ.
“At sabi nga namin, hindi naman tayo mayaman, pero kailangan natin ng desisyon na kung anuman. Basta ako, nasa puso ko, susunod ako sa TVJ at ang loyalty ko nasa TVJ,” paliwanag ni Wally.
Sey naman ni Paolo, “Loyalty, yes. Kasi, well for me, ha, pumasok ako sa Eat Bulaga, tapos pikit-mata nila akong tinanggap. Hindi naman nila ako kilala. Hindi naman nila alam kung ano ba ang kaya kong gawin.
“Pero ngayon, almost 22 years na ako sa Eat Bulaga, so walang kuwestiyon, kuwestiyon yun. Kumbaga, ginawa naming pagsunod sa kanila, it’s basic human instinct. Kung saan ang TVJ, doon kami,” aniya pa.