Paolo Contis nagpasintabi sa mga kinauukulan bago mag-host ng ‘Eat Bulaga’: ‘I think that’s enough…at wala akong inapakang tao’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Paolo Contis at Joross Gamboa
MATIDING stress at pressure ang nararanasan ng Kapuso actor at TV host na si Paolo Contis sa araw-araw na pagre-report niya sa bagong “Eat Bulaga” na napapanood tuwing tanghali sa GMA 7.
Inamin ni Paolo na totoong nilagnat at tinrangkaso siya nitong nagdaang linggo dahil sa sobrang pagod at stress na naranasan mula nang maging host ng Kapuso noontime show na “Eat Bulaga” produced by TAPE Incorporated.
Bigla rin daw nagbago ang takbo ng buhay niya mula nang pumayag siyang makasama sa dating programa na pinaghaharian ng TVJ at ng ilan pang legit Dabarkads.
Sa naganap na presscon at celebrity screening ng latest movie ni Paolo na “Ang Pangarap Kong Oskars” kamakalawa ng gabi sa The Block Cinema 3 ng SM North EDSA, natanong ang aktor kung nakapag-adjust na siya sa bago at super controversial niyang project?
“Actually, patulog na dapat ako ngayon. Nabago nang konti, nabago nang konti. Kasi, nang mga first few days, siyempre pagod ka pag-uwi ng mga alas-3, alas-4.
“Nakakatulog ako kaagad. Lagi kong sinasabi sa sarili ko, idlip muna ako. Ang nangyayari, nagigising ako ng alas-dose na. Twelve midnight na, tapos hindi na ako makatulog. So, sinusubukan kong i-adjust. Malaking adjustment siya, e.
“Hindi ko akalain na ganu’n kahirap. Siguro kasama na du’n yung stress. You know, alam naman natin kung ano ang pinagdadaanan namin. So, merong stress yon, may pressure yon, di ba?
“Ine-enjoy mo na lang naman. Ako naman, nag-e-enjoy naman ako sa hosting. Pero siyempre, ang kalakip na stress and pressure niya, mas nakakapagod siya.
“So, kapag umuuwi ka, talagang drained ka. Right now I’m trying na ngayon, mabuo ko yung alas-9, alas-10 para makatulog ako,” lahad ng dyowa ni Yen Santos.
“Kasi 7, nandu’n na ako sa studio. Inaagahan ko, kasi una, ayokong matrapik. Ikalawa, well, medyo OA, pero dinadama ko muna yung lugar. Para by the time na dumating na lahat, kalmado na ako. Alam ko na ang gagawin ko,” aniya pa.
Kuwento ng Kapuso star, 6 a.m. siya umaalis ng kanyang bahay sa Makati City papunta sa APT Studio ng “Eat Bulaga” sa Cainta, Rizal.
Pagpapatuloy pa ni Pao, “Tapos nu’ng isang araw, nag-absent ako. Kasi, nilagnat, trinangkaso talaga ako. So, nag-absent ako isang beses. Pero the next day, okay na. That’s the only thing I can be proud of.”
Natanong din siya kung worth it ba ang nararanasan niyang hirap at pagsasakripisyo bilang host ng “Eat Bulaga”, “Oo naman! Kapag nakikita mo yung lahat ng katrabaho mo, as dedicated as you, then you have no reason to be as dedicated as them.
“Una sa lahat, masaya sa loob. Masaya kami sa loob. Masaya yung staff. Masaya yung crew. Masaya yung cast. Sabi ko nga, tinanong kami kahapon kung bakit parang ang close namin.
“I think, yung pressure nga, to make it work, yung pressure to make it work, wala naman kayong ibang sasandalan kundi isa’t isa, e. So naging mabilis kaming pamilya. Sa kanya-kanya na lang namin kinukuha yung kumbaga positive things ika nga.
“Yung pagmamahal, yung samahan, sa kanya-kanya na lang namin. Kasi, pagdating mo sa labas, again, totoo naman, may stress talaga. Siyempre, biglaan yun, e!
“Talagang sinabak mo kami kaagad. May stress talaga yun. But right now, we really are enjoying it. We’re learning,” pahayag pa ni Paolo.
“Naniniwala ako na mas marami nang nakaka-appreciate ng at least du’n sa work na ginagawa namin. Dun sa effort na ginagawa namin.
“And we’re hoping that eventually, mas mapansin siya, mas tumagal. Makikita mo naman, ako, nag-e-enjoy ako du’n sa mga taong natutulungan namin
“First hand na nakikita ko sa mata. Iba yung high niya. First time kong nag-host ng daily show and iba yung high na nararamdaman mo pag nakikita mong masaya yung mga tao,” sabi pa ng aktor.
Ano naman ang feeling kapag naririnig niya ang sinasabi na “Fake Bulaga” ang programa nila at hindi naman sila ang mga “legit Dabarkads”?
“Wala. Wala naman. I mean, hindi po sila ang kalaban namin. Wala kaming kalaban, wala kaming whatever. Kanya-kanya po ng perspective yan.
“We were called to work, that’s my job, and I’m doing the best that I can du’n sa trabaho. Wala akong inapakang tao. Naniniwala akong wala akong inapakang tao.
“Nagpasintabi ako sa mga taong kinauukulan na kakilala ko. And I think that’s enough. And I believe everyone sa side nila knows that work is work also. I believe they’re professional enough to understand that,” mariin pang sabi ni Paolo.
Samantala, showing na sa mga sinegan simula sa June 28 ang bagong pelikula ni Paolo na “Ang Pangarap Kong Oskars” kung saan kasama rin niya sina Joross Kate Alejandrino, Faye Lorenzo, Yukii Takahashi, Long Mejia, Jon Santos, Gian Magdangal, Erlinda Villalobos at Junjun Quintana.
Ito’y mula sa panulat at direksyon ni Jules Katanyag mula sa MAVX Productions.