Ai Ai naglagas ang buhok dahil sa stress; sa US planong magpabakuna kontra COVID-19
SA Amerika planong magpaturok ng bakuna kontra COVID-19 ng mag-asawang Ai Ai delas Alas at Gerald Sibayan.
Inamin ng Comedy Concert Queen na nagdadalawang-isip pa rin siyang magpa-vaccine ng anti-COVID dahil sa kanyang health condition.
Ito rin ang isa ito sa mga rason kung bakit mas gusto niyang sa US magpabakuna, “Medyo half-half ako sa bakuna kasi, ‘di ba, organic (lifestyle) ako? Tapos ang ano du’n, kapag may mga sobrang allergy, huwag munang magpabakuna.
“So ako, tingnan ko, kasi green card holder ako, kapag in case, knock on wood, magkasakit ako doon, baka gawan naman nila ng paraan na gamutin ako,” ang chika pa ng komedyana sa isang panayam ng GMA.
Dagdag pa ni Ai Ai, ayaw din niyang gamitin ang pagiging celebrity para lang mabakunahan agad dito sa Pilipinas, “Ayaw ko kasi mas maraming nangangailangan sa akin, ‘di ba?
“Maraming matatanda diyan, maraming nangangailangan ng bakuna, sasama pa ba ako doon?
“Doon na lang ako (sa US). Doon kasi, kapag green card holder ka, libre ka. Pero si Gerald, hindi pa siya green card holder, tourist pa lang, so $20,” paliwanag ng Kapuso comedienne.
Abot-langit naman ang pasasalamat ni Ai Ai sa Diyos dahil nananatiling COVID-19-free ang kanyang pamilya, “Nagpapasalamat ako na never kaming nagkasakit, kahit man lang sipon, ng buong pamilya ko.
“Napakalaking bagay no’n kasi meron kaming (senior), ‘di ba, yung nanay ko is 93 years old na. Yun ang parating ipinagdarasal ko sa Panginoon, ‘Lord, huwag po sana kaming magkasakit. Wala po sanang maging positive sa amin.’
“Yung kahit man lang sipon o konting ubo, wala talaga, kasi nakakatakot ‘yon, ‘di ba?” lahad pa ni Ai Ai.
Sa nasabi ring panayam, naibahagi niya ang naranasan niya last year kung saan naglagas daw ang kanyang buhok dahil sa stress sanhi ng pandemya.
“Subconsciously, hindi ko alam nasu-super stressed na pala ako. Idine-deny ko sa sarili ko kasi, ‘di ba, fighter ako? Lalaban ako kahit alam kong, ‘Paano kami, Lord? Ano’ng gagawin namin?’
“Hindi ko nari-realize, nakita ko na lang, malagas ‘yung buhok ko. Para akong may cancer, na ang dami talaga. Sabi ng ano, ‘Ah, stress ‘yan’ ‘Stress? Hindi naman ako nai-stress, ah,’ in denial ako.
“Pero sa totoo lang, noong in-admit ko na stressed talaga ako, parang unti-unti hindi na siya nalalagas. Ang weird, ‘di ba?” pagbabahagi pa ng komedyana.
Samantala, inamin naman ni Ai Ai na miss na miss na niya at nakakaramdam siya ng separation anxiety sa co-actors niya sa “Owe My Love.”
“Alam mo, nagkaroon kami ng sepanx, lahat kami, sa sobrang close namin. Parang ang lungkot naming lahat. Sa totoo lang, naluha ako noong umuwi ako. Naiiyak ako kasi naaalala ko sila,” pag-amin niya sa isa pang interview.
Gumaganap si Ai Ai sa serye as Vida Morales, ang may-ari ng Vida Rolling Store kung saan nagtrabaho si SenSen (Lovi Poe).
Napaamin na si Vida na may feelings pa rin siya kay Doc Coops (Ryan Eigenmann) at may nabubuong love story na rin kina Evs (Kiray Celis) at Gwaps (Buboy Villar). Magkaka-#OMLForever din kaya sila?
Abangan ang mga nakatutuwang eksena na ‘yan sa “Owe My Love,” weeknights, 9:35 p.m., pagkatapos ng “Heartful Cafe” sa GMA Telebabad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.