Allan K nanindigan para sa TVJ, umaming inalok din ng malaking talent fee para manatili sa ‘Eat Bulaga’: ‘Hindi kami traydor!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ang original Dabarkads at ang mga executive ng TV5
ISA ang veteran comedian at TV host na si Allan K sa mga inalok ng TAPE Incorporated upang manatili sa “Eat Bulaga“.
Kinumpirma ito ng komedyante kasabay ng pag-amin na malaking halaga ang in-offer sa kanya ng mga producer ng “Eat Bulaga” pati na kina Jose Manalo, Wally Bayola at Maine Mendoza.
Balitang ang unang napag-usapan, mananatili sa show ang iconic trio na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, at sina Allan K, Jose at Wally at sisipain na sina Paollo Ballesteros, Ryan Agoncillo, Ryzza Mae Dizon at si Maine.
Ayon kay Allan K, nalaman nila ang tungkol sa tsugihan portion sa naganap na general meeting noong February, 2023, base sa panayam sa kanya ni Julius Babao na mapapanood sa YouTube channel nito.
“Ina-announce na ang i-retain ay ano, e, Jose, Wally, Allan. Tapos yun na, nagkagulo-gulo na. Hanggang sa ang dami nang negotiations na nangyari. Nag-usap-usap din kami.
“Alam mo, ang haba na kasi nu’n, e, February, March, April, May. So, ang dami pang haka-haka sa loob, every day. ‘So, ano na mangyayari sa atin? Hanggang kailan tayo?’
“Nu’ng April, status quo. Nung May din, satus quo. ‘Hanggang kailan kaya ang status quo?’” pahayag ng komedyante.
Iniisip daw nila kung paano sila idedepensa at ipaglalaban ng kanilang tatay-tatayan na si Tony Tuviera o Mr. T, ang dating CEO at presidente at CEO ng TAPE.
“Paanong ipagtatanggol, e, siya din dinemote din nang husto? From president to consultant na lang, e,” aniya pa.
Pag-amin ni Allan, humingi sila nina Jose at Wally sa TAPE ng panahon para pag-isipan ang alok sa kanila, “Although miniting kaming tatlo, we were offered this much. Sabi namin, ‘Hindi naman po ganu’n kadaling magdesisyon. Can you give us time?’”
Inamin din ni Allan na mas malaki ang offer sa kanila, “Oo. Doble. Pero yung meeting na yun, kinuwento din namin sa lahat. Hindi kami traydor.”
Yung tungkol naman kay Maine, “Nu’ng pangalawang meeting, sinali na siya. Kasali na siya du’n sa ‘double your price.’”
Pero nanaig pa rin kina Allan, Wally at Jose ang loyalty at pagmamahal sa TVJ, “Nakita namin yung pain nila, hurt nila, at yung drive nila na, ‘One for all, all for one tayo. Na tumayo tayo bilang isang buong pamilya. Na hindi tayo matitibag.’ And we held on to that. Nilaban nila kami talaga.”