PBBM namigay ng P50-M ‘employment aid’ sa Mayon evacuees, mahigit 5k residente nasa evacuation centers na
PERSONAL na namahagi si Pangulong Bongbong Marcos ng ayuda para sa libo-libong pamilya na inilikas dahil sa banta ng pagputok ng Bulkang Mayon.
P50 million ang inabot ng presidente sa mga alkalde ng Daraga, Camalig, Guinobatan, Malilipot, Santo Domingo, Ligao City, at Tabaco City upang magamit bilang “emergency employment assistance” ng mga apektadong residente na ngayo’y nasa evacuation centers.
Bukod diyan, may offer din na trabaho ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Bicol Region sa ilalim ng “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad)” program.
Kabilang na riyan ang paghahalaman ng gulay, pagtulong sa paghahanda ng pagkain para sa evacuees, at pagpapanatili ng evacuation sites.
Ang Tupad program ay magbibigay ng P365 kada araw sa bawat manggagawa sa loob ng isang buwan.
Baka Bet Mo: Bulkang Mayon posibleng ‘pumutok’ anumang oras, mga residente pinalilikas na
Sa gitna ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Albay, tiniyak niya na magbibigay agad ng tulong ang gobyerno upang suportahan ang mga apektado ng kalamidad.
“Let us not wait for 14 days. Let us not deplete the budget of the LGUs. If we need to take over, let’s take over. We will take the load of the province and municipalities because [their budget] is very limited,” sey ng pangulo.
Dagdag pa niya, “I am here to personally talk to you (evacuees) and check your needs.”
Kasunod niyan ay pinayuhan niya ang mga lokal na opisyal na tukuyin ang mga lugar na higit na nangangailangan.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.
Ibig sabihin niyan, posibleng pumutok ang bulkan anumang oras.
Ayon sa latest data ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, hindi bababa sa 5,016 na pamilya o 17,941 na indibidwal ang inilikas na sa evacuation centers na mula sa pitong bayan at siyudad.
Read more:
DOLE maglulunsad ng ‘job fair’ sa Labor Day, may alok na mahigit 73,000 na trabaho
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.