Boobay nagtampo, kinuwestiyon ang Diyos dahil sa sunud-sunod na pagsubok; hindi kailanman iniwan ni Marian
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Marian Rivera at Boobay
NANG dahil sa mga pinagdaraanang pagsubok sa buhay ay dumating din ang komedyante at TV host na si Boobay sa puntong nagtampo at kinuwestyon na niya ang Panginoong Diyos.
Hindi napigilan ng Kapuso comedian na maging emosyonal habang ikinukuwento ang mga matitinding hamon na kinakaharap niya sa kanyang buhay.
Ayon kay Boobay, nagsunud-sunod ang mga problemang dumating sa kanilang pamilya nitong mga nagdaang taon, idagdag pa riyan ang major-major challenges sa kanyang personal life.
At dahil nga rito, may mga pagkakataong tinatanong na niya si Lord kung bakit sa tuwing may magagandang nangyayari sa kanyang showbiz career ay parang meron din itong kapalit na pagsubok.
Sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz, naikwento ni Boobay na sa dami ng kanyang pinagdaraanang pagsubok ay minsan na niyang nakuwestiyon at aminadong nagtampo sa Diyos.
“Kapag may nangyayaring maganda may hindi magandang nangyayari, ganyan.
“Like ‘yung kakabigay sa akin nu’ng mga bagong shows ko sa GMA, biglang sa Mama ko naman nagkaroon ng kidney failure,” pahayag ni Boobay sa panayam ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz.
Pagpapatuloy pa ni Boobay, “Tapos habang nagti-taping ‘dun sa binigay na prgram sa akin nagda-dialysis siya. ‘Yung kinikita ko sa dialysis niya rin napupunta.
“Tapos ito, ibinigay nga ulit naman ngayon ‘yung sa ‘The Boobay and Tekla show namin, tapos may ganito naman (inatake sa puso). Sabi ko ‘saan ba talaga Lord?’
“Nagtampo, nagtanong. Sabi ko para saan po ba ito ganyan. Pero hindi ko alam. Wala akong pinagsasabihan,” lahad pa ng komedyante.
Kasunod nito, nabanggit nga ni Boobay na napakalaki ng utang na loob at pasasalamat niya sa kaibigang si Marian Rivera na walang sawang tumutulong at gumagabay sa kanya.
Dito na nga napaluha ang TV host-comedian na abot-langit ang pasasalamat sa wifey ni Dingdong Dantes na siyang nagpaliwanag at nag-udyok sa kanya na magbalik-loob sa Diyos.
“Ang pasasalamat ko Kuya (Ogie) kasi may taong nagpa-realize sa akin na hindi, hindi ko kailangang tanungin si Lord. Hayaan kong si Lord lang ‘yung mag-maneuver ng lahat. Kaka-reconnect ko lang ulit kay Lord. Dahil kay Yanyan, kay Marian,” ani Boobay.
In fairness naman kay Marian, talagang hindi niya nakakalimutan si Boobay kahit na hindi na sila madalas magkita. Mula nang magkasama sila sa trabaho ay naging mag-BFF na sila.
Kung matatandaan, isa si Marian sa unang-unang nagpahatid ng tulong kay Boobay nang ma-stroke ito noong 2016.
Ayon sa komedyante, kung wala raw si Marian noong kasagsagan ng kanyang mga problema, baka raw matagal na siyang wala sa mundo.