Hugot ni Joey de Leon: ‘Pwede ba ‘pag natigok kami kalimutan n’yo na ‘yung rest in peace, respect na lang?’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon
SA bagong panayam ni Julius Babao kay Joey de Leon na mapapanood sa kanyang YouTube channel na “Unplugged” ay marami pang rebelasyon ang TV host at komedyante tungkol sa pag-alis nila sa “Eat Bulaga.”
Inamin ni Joey na hindi man lang daw nagparamdam o nangumusta ang GMA management pagkatapos nilang magpaalam sa “Eat Bulaga” noong Mayo 31.
Bungad ng tinaguriang Henyo Master “‘Yung mismong seven (GMA) hindi nagparamdam kasi ang sinasabi nila ang kontrata naman nila with the producers (TAPE, Inc). Hindi naman kami nagtatampo pero hindi naman kahina-hinala rin pero kapuna-puna na wala silang sinabi na ‘Uy anumang mangyari, itutuloy namin, ah?’ Take ko ‘yun.”
Ang binabanggit na ito ni Joey ay ang panayam kay Senior Vice President ng GMA na si Atty. Annette Gozon-Valdes sa “24 Oras” kamakailan.
Ang paliwanag ng TV executive, “It was beyond our control. Kung may control lang tayo o kung may say tayo sa mangyayari siyempre hindi natin sila papakawalan ‘yun ‘yung term nila, pipigilan natin sila. Susubukin nating gawin ang lahat para mag-stay sila sa atin.”
Sa tanong ni Julius kung nag-attempt na mag-mediate ang GMA sa kanila, “Wala-wala, well masakit mang sabihin na ‘matanda na ‘yang mga ‘yan okay na.’ Pero hindi, eh, pati mga bata madadamay, pati (nga) portions,” sagot ni Joey.
Samantala, nabanggit ding binawasan ng TAPE management ang mga suweldo nilang mga hosts kasama pati buong production.
Sundot na tanong ni Julius kung ano ang naramdaman ni Joey nang sabihang babawasan sila ng exposure at suweldo, “Ang totoo? Natawa pa ako, sabi ko, ‘ano ba naman ‘yan, ilan na lang ang (itatagal) ako hindi ako morbid pero ‘yun. Sabi ko sa kanila, ‘ayaw n’yo ba kaming paabutin ng 50 years tapos sipain n’yo na kami?”
May dapat pa nga raw idadagdag si Joey na hindi niya nasabi, “Puwede ba pag natigok kami kalimutan n’yo na ‘yung rest in peace, respect na lang. Hindi ko binitawan ‘yun, pero maganda ‘yun!”
Sa kasalukuyan ay hindi pa masagot ni Joey kung gagamitin nilang titulo ang “Eat Bulaga” sa TV5 dahil kasalukuyan na itong nasa korte, “We’ll we’ll see, malapit na, malapit na ang paghuhukom,” kaswal na sabi ni Joey.