Hindi lang ang mga manonood at mga loyal fans ng longest-running noontime show sa Pilipinas ang nalungkot at naluha sa “farewell” episode ng programa sa GMA 7 kundi maging ang mga kilalang celebrities.
Napanood ang announcement nina Tito Sen, Bossing Vic at Boss Joey sa YouTube channel ng noontime show habang ipinalalabas ang lumang episode ng “Eat Bulaga”.
Hindi na sila pinayagang umere sa GMA 7 ng bagong management ng TAPE na pag-aari ng pamilya Jalosjos, kahit na nasa studio na ang lahat ng Dabarkads para sana sa live telecast ng show. Kaya naman nagdesisyon na rin ang TVJ na tuluyan nang magpaalam sa TAPE.
Sa social media account ng anak ni Tito Sen na si Ciara Sotto, makikita ang video ng pamamaalam ng TVJ sa “Eat Bulaga”. Aniya sa caption, “I’m sharing this here because this was not allowed to go live on air on your television sets.”
Naging bahagi rin noon si Ciara ng “Eat Bulaga” kaya naman affected din siya sa mga turn of events. Sa comments section, maraming celebrities ang nag-react at nakisimpatya sa mga Dabarkads.
Tatlong heartbroken emojis ang ipinost ni Judy Ann Santos sa post ni Ciara. Siguradong matinding lungkot din ang naramdaman ni Juday para sa asawa niyang si Ryan Agoncillo na isa sa mga co-host ng programa.
“This is sad,” ang reaksyon naman ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.
“So so so sad,” ang sabi ni Pops Fernandez na naging co-host din sa “EB” noong 1980s.
“TVJ forever,” reaksyon naman ni Charlene Gonzales na sinundan pa niya ng ilang heartbroken at crying face emojis.
“Eat Bulaga is TVJ,” ang sabi ni Mariel Rodriguez.
Sey naman ni Marissa Sanchez, “I was a host of Eat Bulaga for one year. Year 2000-2001 and I must say, this breaks my heart as being part of it.”
Ilan pa sa nalungkot para sa TVJ at “Eat Bulaga” ay sina Aga Muhlach, Kakai Bautista na naging bahagi rin ng show, Sunshine Cruz, Vina Morales, Nikki Valdez, Ruffa Gutierrez at Mikee Cojuangco na naging Dabarkads din noong 1994.