Ice Seguerra sa pamamaalam ng TVJ: ‘Malungkot ako sa nangyayari, sa kawalang respeto…pero masaya ako dahil malaya na sila’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Tito Sotto, Joey de Leon, Vic Sotto at Ice Seguerra
CERTIFIED Dabarkads ang OPM icon na si Ice Seguerra kaya naman siguradong “nawasak” din ang kanyang puso sa ginawang pamamaalam nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa episode ng “Eat Bulaga” ngayong araw.
Tuluyan na ngang nag-goodbye ang TVJ at ang mga kasamahan nila sa longest-running noontime show sa bansa sa producer ng programa na TAPE Incorporated.
Naging madamdamin ang pagbibigay ng mensahe nina Tito Sen, Bossing Vic at Boss Joey sa mga manonood at halatang pinipigil lang nila ang maiyak habang nagpapaalam.
Isa si Ice sa mga unang nag-post sa Instagram at Facebook ng kanyang saloobin sa paghihiwalay ng “Eat Bulaga” at ng TAPE. May nabanggit pa nga siya sa kanyang mensahe na “kawalang respeto.”
“Hindi ko naiintindihan ang nararamdaman ko. Lungkot ba o saya?
“Malungkot ako sa nangyayari. Sa kawalang respeto. Malungkot ako dahil sa hiwalayang Eat Bulaga at TAPE, mayroong mga taong mag-iiba ang lagay sa buhay. Nalulungkot akong umabot sa ganito,” ang pahayag ng singer-songwriter.
Naniniwala naman si Ice na hindi tuluyang mawawala sa ere ang “Eat Bulaga” at tulad ng sinabi ni Bossing Vic sa kanyang mensahe, tuloy pa rin ang paghahatid ng isang libo’t isang tuwa ng mga Dabarkads.
“Pero masaya ako dahil malaya na sila. Eat Bulaga is Eat Bulaga. Kahit saang network sila mapadpad, walang paltos silang makakalipad.
“Kaya sulong lang, Dabarkads. Simula pa lang ito nang mas maniningning na hinaharap,” pahayag pa ni Ice Seguerra.
Narito naman ang naging pahayag ni Bossing sa pamamaalam ng TVJ sa TAPE, “Hindi na po namin iisa-isahin ang laman ng aming mga puso at damdamin. Ang hangad lang po namin ay makapagtrabaho nang mapayapa, walang naaagrabyado at may respeto sa bawat isa.
“Simula ngayong araw, May 31, 2023, kami po ay magpapaalam na sa TAPE, Incorporated. Karangalan po namin na kami’y nakapaghatid ng tuwa’t saya mula Batanes hanggang Jolo at naging bahagi ng buhay ninyo.
“Maraming, maraming salamat sa inyong lahat, hanggang sa muli. Saan man kami dalhin ng tadhana, tuloy ang isang libo’t isang tuwa,” ang emosyonal pang mensahe ni Bossing sa lahat ng Dabarkads.
Wala silang binanggit kung kailan at saan na mapapanood ang “Eat Bulaga” kaya abang-abang na lang tayo sa susunod na kabanata.