Charo, Lorna ipinagtanggol si Coco sa reklamo raw ng mga vendor sa Quiapo: ‘Iginalang ng produksyon ang lugar, welcome na welcome kami roon’
IPINAGTANGGOL nina Charo Santos-Concio at Lorna Tolentino si Coco Martin at ang buong production ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa isyung nalulugi at nawawalan ng kita ang mga vendor sa ilang bahagi ng Quiapo, Manila.
Kuwento ng dalawang premyadong aktres, wala silang nakita o naramdamang galit o narinig na anumang negatibong komento mula sa mga nagtitinda sa paligid ng Quiapo noong nag-shooting sila roon.
Gumaganap si Charo sa “FPJ’s Batang Quiapo” bilang Tindeng, ang lola ni Tanggol na ginagampanan naman ng Kapamilya Teleserye King na si Coco Martin.
View this post on Instagram
“Isang beses lang akong nag-shooting sa Quiapo, at ang observation ko naman, may paggalang naman ang buong produksiyon sa mga tao du’n at sa lugar,” simulang pahayag ni Charo sa presscon ng “Batang Quiapo” last Thursday, April 5.
“At wala akong naramdaman na hindi kami welcome. Maayos na maayos naman. Kaya nga nagulat ako nu’ng nagkaroon ng konting ingay. Kasi maayos naman, e.
“Wala akong recollection na may kahit magparinig? Welcome, very welcome kami du’n sa lugar. Mababait sila sa amin.
Baka Bet Mo: Bela Padilla inatake ng matinding nerbiyos habang idinidirek si Lorna Tolentino: ‘Hindi ko lang ipinahahalata sa kanya’
“At ang maipagmamalaki ko, maayos ang produksyon, at iginalang ng produksyon ang lugar. Yun ang importante, e. Yun ang importante sa production,” ang depensa pa ni Charo sa buong produksiyon.
Kuwento naman ni Lorna, nag-shooting na rin daw siya sa Binondo, Manila Post Office at iba pang lugar na kalapit ng Quiapo, “Hindi ko kasi nararamdaman yun. Ang nararamdaman ko, welcome kami. Kasi kahit sa Ang Probinsyano, nagti-taping din kami sa Quiapo.
“Du’n nag-start ang karakter ko na as Lily, Quiapo din, e. Wala kaming naramdamang problema,” sabi pa ni LT.
Nauna rito, sinagot na rin ni Coco ang isyung ito at nagsabing maraming mga lugar ang nagiging instant tourist attraction dahil may isang pelikula o teleserye na kinunan sa lugar na iyon.
“Ganu’n din ang nangyayari sa Batang Quiapo. Pero hindi natin maiaalis kasi ngayon na because of the social media, na napakadaling gumawa ngayon ng opinyon ng isang bagay na kaya mong pagandahin o sirain.
“Nagkataon lang na siguro may mga taong hindi naman lahat papabor para sa amin o pabor para sa Batang Quiapo.
“Siguro nu’ng sinabi niya yun, hindi ko alam kung ano man yung talagang intensiyon. Pero ang masasabi ko lang po, yung totoong mga tao dun na nakakasalamuha namin, masaya sila,” sabi pa ng aktor.
Samantala, todo ang pasasalamat ni Coco sa mataas na ratings at online views ng “Batang Quiapo”, “Salamat po sa lahat ng taong nagmamahal po at sumusuporta sa Batang Quiapo sa simula’t simula pa.
“Kayo ang dahilan kung bakit naging maganda po ang kinalabasan ng aming programa.
View this post on Instagram
“At dahil po du’n ay marami pa rin po tayong mga kasamahan kahit papaano sa industriya na natutulungan para muling makabalik sa industriyang ito.
“Kaya thank you so much po talaga. Maraming-maraming salamat po sa lahat ng mga pagtulong at pagmamahal ninyo sa amin,” aniya pa.
Sa mga susunod na episode ng serye ay siguradong masa-shock ang madlang pipol na magsisimula ngayong Lunes, May 8.
Sey ni Coco, “Sa lahat po ng natutunan ni Tanggol sa kalye, sa Quiapo, sa buhay, ito na po yung na-realize niya sa buhay niya na siguro, panahon na para magkaroon din ng pagbabago sa kanyang buhay.
“Alang-alang sa kanyang lola, sa kanyang nanay, sa buong pamilya niya, at siyempre po, para kay Mokang (karakter ni Lovi Poe). Kaya tingnan natin kung ano yung magiging bagong journey ni Tanggol sa darating na May 8, yun po.
“Katapusan na ng baluktot na pamumuhay ni Tanggol at simula pa lang ng napakagulong buhay, yung bagong karakter dito!” ang pambubuking pa ni Coco.
“Actually, ayoko nga sanang sagutin, kasi mas maganda sana, e, surprise. Kaya lang, sige na. Sa May 8, ito ang pagtatagpu-tagpo ng lahat ng bawat karakter. Dito na kami magkikita-kita. Dito na maglalaban-laban ang bawat grupo.
“Talagang sinadya namin talaga na buuin siya para patindihin at pasabugin ang mga karakter at bawat eksena. Actually two weeks tatakbo yun from action to heavy drama,” ang patikim pang pahayag ni Coco.
Bukod kina Coco, Charo, Lorna at Lovi, present din sa naganap na presscon sina Christopher de Leon, John Estrada, Cherry Pie Picache, McCoy de Leon, at Lou Veloso. Nandoon dina sina Julio Diaz, Alan Paule, Dindo Arroyo, Pen Medina, Mark Anthony “Big Mak” Andaya, Renz Joshua “Baby Giant” Baña, Sugar Ray “Mammoth” Estroso, at Benzon Dalina.
Oyo gusto nang magpa-sperm count noon; Kristine game pa ring magbuntis kahit 5 na ang anak
Vhong Navarro pinaiyak ang madlang pipol sa pagbabalik-‘Showtime’: ‘God is always good!’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.