2023 Limgas na Pangasinan pageant bonggang-bongga nang umeksena sina Megan Young, Ariella Arida, Dennis Trillo
PANSAMANTALANG nagpahinga ang Limgas na Pangasinan pageant mula 2020 hanggang 2022 dahil sa COVID-19 pandemic.
Pasabog ang pagbabalik nito ngayong taon dahil sa pagbandera ng mga sikat na artista at beauty queen sa coronation night na itinanghal sa provincial capitol grounds noong Abril 29.
Host ng palatuntunan si Megan Young, ang natatanging Pilipinang kinoronahang Miss World, kasama si Kapuso actor Xian Lim.
Si 2013 Miss Universe third runner-up Ariella Arida naman ang humawak sa maagang bahagi ng programa. Kasama naman sa panel of judges sina 2020 Miss Universe Philippines Rabiya Mateo, reigning Miss World Philippines Gwendolyne Fourniol, at reigning Mister World Philippines Kirk Bondad.
Mga bigatin din ang mga umawit sa entablado. Nagtilian ang mga Pangasinense nang sumampa ang Kapuso actor na si Jeric Gonzales. Medyo matamlay naman ang panghaharana ni David Licauco sa Top 12, ngunit bawing-bawi naman sa energy nang sumalang na si Dennis Trillo na nakapagpatayo pa sa mga manonood.
Nang nagtapos ang patimpalak lagpas hatinggabi na ng Abril 30, ipinutong sa ulo ni Nikhisah Cheveh mula Binmaley ang korona bilang Limgas na Pangasinan-World, na nangangahulugang siya na ang magiging kinatawan ng lalawigan sa Miss World Philippines pageant. Nag-uwi rin siya ng P200,000 dahil sa pagkakapanalo niya.
Tinanggap niya ang korona bilang Limgas na Pangasinan mula kay Gwendoline Soriano na noong 2019 pa kinoronahan. Nabigyan naman ang dating reyna ng karampatang pamamaalam sa titulo nang makapag- final walk siya apat na taon mula nang masungkit ang korona sa lugar kung saan siya mismo nagwagi.
Maaga pa lang umarangkada na si Cheveh sa patimpalak nang igawad sa kanya ang mga parangal bilang Best in Swimsuit at Best in Evening Gown. Siya rin ang nakalikom ng pinakamaraming boto mula sa mga kawani ng midya kaya itinanghal din siyang “Darling of the Press.”
Samantala, kinoronahan namang Limgas na Pangasinan-Grand si Miss Photogenic Rona Lalaine Lopez mula Mangaldan, at magiging kinatawan ng lalawigan para sa Miss Grand Philippines pageant. Tumanggap din siya ng P150,000. Limgas na Pangasinan-Mutya naman si Stacey De Ocampo mula Bolinao, na nag-uwi ng P100,000 at magiging pambato ng lalawigan sa Mutya ng Pilipinas pageant.
First runner-up si Denise Joy Flores mula Lingayen, habang second runner-up si Erica Mae Antolin mula Urdaneta City. Dalawampu’t limang kandidata mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan ang lumahok sa 2023 Limgas na Pangasinan pageant.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.