3 reyna kokoronahan sa Miss Philippines Lumiere International World pageant sa June 10
TATLO ang magwawagi sa pagtatanghal ng 2023 Miss Philippines Lumiere International World pageant sa Hunyo, at lahat sila kakatawanin ang bansa sa iba’t ibang pandaigdigang patimpalak ngayong taon at sa 2024.
Isinagawa ni reigning Mrs. Asia Pacific All Nations Shin Alba-Lopez ang pangalawang screening ng mga aplikante para sa pambansang patimpalak noong Abril 22 sa Glass Meeting Room ng Okada Manila sa Parañaque City. Pinabalik din ang mga nakapasa sa unang auditions para sa swimsuit photoshoot sa poolside, kasama ang mga napili sa huling screening.
Kinumpirma ni Lopez sa Inquirer na kokoronahan ang mga reynang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Lumiere International World, Miss Tourism Worldwide, at Miss Global Universe pageant. Inoorganisa ang mga pandaigdigang patimpalak ng Singapore-based na Lumiere International Pageantry, na siya ring nagsasagawa ng pambansang kumpetisyon sa Pilipinas ngayong taon.
Tumulak sa Maynila noong isang buwan ang pinuno ng organisasyon na si Justina Quek upang pangasiwaan ang auditions hindi lamang para sa Miss Philippines Lumiere International World contest, kundi maging sa Mrs. Philippines Asia Pacific competition din. Siya rin ang nag-oorganisa ng pambansang patimpalak para sa mga may asawa, single mothers, at diborsiyada o biyuda sa Pilipinas ngayong taon.
Sa isang eksklusibong panayam ng Inquirer noong Marso 17 sa Goryeo Restaurant ng Okada Manila, sinabi ni Quek, “we really need candidates with the highest standards. If you are going to represent the Philippines in the future, you really need queens like [Mrs. Asia Pacific Global Avon Morales] with a high standard. It is one thing, but the personality is also important.”
Wala pang Pilipinang nakasusungkit sa korona bilang Miss Lumiere International World. Pinakamalapit na sa titulo para sa Pilipinas ang ikalawang puwesto, na nakamit nina Sammie Anne Legaspi noong 2017 at Donna Marie Jan Balaoro noong 2018.
Wala pa ring nagwawagi sa Miss Global Universe pageant mula sa Pilipinas. Ngunit ang nagwagi sa unang Miss Tourism Worldwide ay ang Pilipinang si Zara Carbonell, na kinoronahan noong 2018.
Itatanghal ang coronation program ng 2023 Miss Philippines Lumiere International World pageant sa Golden Ballroom ng Okada Manila sa Hunyo 10. Isasagawa rin ang finals ng 2023 Mrs. Philippines Asia Pacific competition sa araw ding iyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.