TULUYAN nang humina ang Bagyong Amang at naging Low Pressure Area (LPA) ulit ito, ayon sa PAGASA.
“Humina na po bilang Low Pressure Area itong si Tropical Depression Amang kahapon ng alas-onse ng umaga at pagkatapos po ay tinawid ang eastern Quezon,” sey ni Weather Specialist Benison Estareja sa naganap na press briefing ngayong April 14.
Paglilinaw ng PAGASA, kahit nag-low grade ang bagyo ay asahan pa rin ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Dagdag ni Estareja, “‘Yung Low Pressure Area ay inaasahang gagalaw pa rin po pa-hilagang kanluran patungo po dito sa western coast of Ilocos Region at magpapaulan pa rin sa ilang bahagi ng Luzon.”
Huling namataan ang LPA sa kanluran ng bayan ng Iba sa Zambales at dahil diyan ay asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, Pangasinan, Tarlac, Pampanga, Zambales, at Bataan.
Mararanasan naman ang panaka-nakang pag-ulan sa nalalabing bahagi ng bansa na dahil naman sa localized thunderstorms.
Baka Bet Mo: Knows n’yo na ba kung paano maiiwasan ang ‘heatstroke’ lalo na ngayong tag-init?
Samantala, maliban sa LPA ay inanunsyo ng weather bureau na wala na silang binabantayang weather disturbances sa loob at labas ng bansa kaya muling mararamdaman ang tag-init na panahon sa mga susunod na araw.
“Magandang balita naman po dahil wala na tayong inaasahang bagyo na panibago na papasok sa ating Area of Responsibility sa mga susunod na araw,” sambit ng weather forecaster.
Dagdag pa niya, “And as a consequence, magbabalik po ang tag-init at mainit at maalinsangang panahon sa malaking bahagi ng ating bansa sa mga susunod na araw.”
Read more:
Tag-init na panahon nagsimula na, inaasahang tatagal hanggang May –PAGASA