May korona man o wala, feeling reyna pa rin ang ilang kandidata ng Miss Philippines Earth pageant
BAWAT pageant may reyna, ang ilan nga higit pa sa isa. Ngunit para sa ilang kandidata ng 2023 Miss Philippines Earth pageant, hindi na nila kailangan pa ng korona upang madama ang pagiging kamahalan. Sapat na ang pag-aalaga sa sarili, at puso para sa kapwa.
“I feel like I am a queen because I have the transcendental qualities of commitment, passion, and purpose. And a queen always has to have those to be able to inspire the people in the community, to look up to them,” sinabi ng nagbabalik na kandidata at pageant veteran na si Yllana Marie Aduana sa isang panayam ng Inquirer nang daluhan ng mga kalahok ang muling pagbubukas sa Queen’s Wellness and Beauty Center sa Quezon City noong Abril 2.
Sinabi ng 2021 Miss Philippines Earth runner-up, 2021 Miss FIT (face, intelligence, tone) winner, at “Face of Binibini” sa 2022 Binibining Pilipinas pageant na dahil sa mga nabanggit niyang katanginan, nahikayat niya ang mga tao “in different sectors like the LGBTQIA+ community, the children, the elderly, the barangay (village) officials to plant trees with me” sa lahat ng 20 barangay ng bayan niya sa Siniloan sa lalawigan ng Laguna.
Isa pang nagbabalik na kandidata si Iris Mabanta mula sa Mabini, Batangas, na nagsabing isa siyang reyna dahil sa “persistence” niya. “When I want something I really go for it, I max out my resources so that I can get what I want. I don’t accept ‘no.’ Right now I’m in this pageant and I’m also a marine scientist, so I can do it all,” sinabi ng dating kalahok sa 2020 Miss Philippines Earth pageant.
Para kay Leahrly Curitana mula Casiguran, Aurora, isa siyang reyna dahil sa pagnanais niyang mamuno. “When I was in high school, I would always step up to become the leader of the group, because I want to show them how to organize, how to start a project. This is what I’m doing right now. I’m starting a project not only for myself but also for the people around me and the environment,” aniya.
Sinabi naman ni Kerri Reilly mula Mangatarem, Pangasinan, na isa siyang reyna sapagkat inuuna niya ang kapwa at may pagmamahal siya sa kalikasan at mga tao. “I’ve always been helping out people since I was probably 9 years old. I went to a cancer hospital to celebrate my birthday. And I also helped in typhoon ‘Yolanda,’” sinabi ng 2022 Century Superbods finalist.
Ipinadala naman ng pamayanang Pilipino sa California sa Estados Unidos si Nicolle Lagera, na naniniwalang isa siyang reyna dahil sa kaniyang “compassion, honesty, authenticity, and perseverance.” Para naman kina Joselle Gregorio mula Mariveles, Bataan, at Shaina Nazario mula Silang, Cavite, mga reyna sila dahil sa kanilang “passion.”
Ngunit para kay Jireh Calacala mula sa Jones sa Isabela, nagiging reyna ang isang dilag na nag-aalaga ng sarili. “I think that that is the most important thing that we all should do, to take care of ourselves and to be better each day,” ipinaliwanag niya.
Ibinahagi naman ng CEO ng clinic na si Mary Grace Juliano kung paano pinananatili ng mga beauty queen ang ganda nila. “Usually iyong facials, Korean glass skin facials, since maganda siya especially ngayong mainit iyong weather natin. At the same time ang bestseller namin ay ang glutathione (drip),” aniya.
Pinaalalahan din niya ang mga dilag na laging gumamit ng sunblock, lalo na kung lalabas. “It’s a must, walang pinipiling edad iyon,” ani Juliano, ibinahagi pang nag-i-spray siya ng SPF 50 kada dalawang oras tuwing lumalabas.
Kabilang ang walong dilag sa 29 kandidata ng 2023 Miss Philippines Earth pageant. Kokoronahan ngayong buwan ang magiging kinatawan ng bansa sa 2023 Miss Earth pageant sa Vietnam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.