Actress-singer Charo Laude bagong national director ng Mrs. Worldwide pageant para sa Pilipinas
IBINALITA ni Lumiere International Pageantry head Justina Quek sa Facebook kamakailan na nakahanap na ang Mrs. Worldwide pageant ng bagong national director para sa Pilipinas, ang singer-actress at beauty queen na si Charo Laude.
Isa lang ang naturang pandaigdigang patimpalak sa mga international pageant na itinatanghal ng organisasyon ni Quek sa Singapore, at sinabi ni Laude na hindi naging madali na makuha ang prangkisa nito para sa Pilipinas. “Through my hard work and my dream, I was blessed enough to acquire the franchise. As they say, follow your dreams with hard work [and] you will be blessed,” sinabi niya sa Inquirer sa isang online interview.
Kinatawan ni Laude ang Pilipinas sa 2019 Mrs. Universe pageant sa China, kung saan siya nagtapos sa semifinals. Siya rin ang kasalukuyang national director para sa Pilipinas ng Bulgaria-based na Mrs. Universe pageant, nagdaraos ng mga pambansang patimpalak upang koronahan ang mga Pilipinang babandera sa naturang pandaigdigang patimpalak.
Bilang pinuno ng isa pang national pageant, sinabi ni Laude na walang problema kung kumuha siya ng prangkisa ng ibang pangaigdigang patimpalak. “Both franchises are for women who are currently married or married before who like to continue a good foundation for charities and good advocacies for a future forged by women with courage to push the limits of what’s possible, who are curious in discovery, and the audacity to do it again,” aniya.
Para kay Laude, ngayong hawak na niya ang pambansang prangkisa ng Mrs. Worldwide pageant ay maihahayag na niya “publicly my love for the country to all citizens,” aniya. “I take it to mean that my time, talent, and treasure are used not only for myself and my family, but to contribute to my country as well,” pagpapatuloy pa niya, sinabing ambag niya sa bansa ang pagsabak niya sa mga industriya ng fashion at entertainment.
“Most exciting, too, is my learning from and working with millennials, and offering new ways to approach a brighter future to decision-makers in the Philippines,” dinagdag ng national pageant organizer, na nakatakda ring itanghal ang 2023 Mrs. Universe pageant sa bansa ngayong taon, na may mahigit 100 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Napakarami na nga ng pagkakaabalahan ni Laude ngayong taon. Mula sa pagtatanghal ng taunang Mrs. Universe Philippines pageant, pasan na rin niya ang responsibilidad na pangunahan ang pagdaraos ng Mrs. Universe competition sa bansa. At ngayon, may isa pa siyang global pageant franchise na pangangasiwaan.
Sinabi niyang nagpapasalamat siya sa Diyos para sa bagong responsibilidad. “I would do and try more than I can, inspiring the less-fortunate youth and initiating good projects which can help bring unity, love, and peace for a better society,” ibinahagi ni Laude.
Wala pang Pilipinang nakokoronahan bilang Mrs. Worldwide. Pinakamalapit na sa titulo para sa bansa ang pagiging second runner-up ni Llena Tan noong 2019, at taglay ngayon ni Laude ang responsibilidad na maitala ng bansa ang una nitong panalo sa naturang pandaigdigang patimpalak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.