Coco, Gerald, Kylie, Awra, Enchong tinilian sa 1st Summer MMFF Parade of Stars; audience dedma lang kina Angeline, Alex, Aljur
NAKUNAN namin ng video at personal naming nakita ang reaksyon ng mga tao na nasa Quezon City Circle nitong Linggo para saksihan ang Parade of Stars ng 1st Summer Metro Manila Film Festival.
Magsisimula na ang unang summer filmfest sa Abril 8 at tatagal hanggang Abril 18 kung saan walong pelikula ang maglalaban-laban sa takilya.
Sa QCC na lang namin inabangan ang walong festival floats at base sa nakita namin ay walang gaanong reaksyon sa pelikulang “Yung Libro sa Napanood Ko” na pinagbibidahan ni Bela Padilla at ng Korean actor na si Yoo Min-Gon, kasama si Boboy Garrovillo. Si Bela rin ang nagsulat at nagdirek nito under Viva Films.
View this post on Instagram
Pero nu’ng nasa entablado na ang tatlong bida ay bukod tanging ang Korean actor lang ang bahagyang pinalakpakan habang nag-iimbitang panoorin ang pelikula nila.
Hindi siguro kaagad nakilala ng mga taong nag-aabang sa QCC sina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas habang nasa float ng “About Us But Not About Us” dahil kahit panay ang kaway nila ay tahimik ang tao.
Nang umakyat na sila sa entablado para mag-imbita ay may mga narinig naman kaming humiyaw sa dalawang aktor at tumatawag sa pangalan ng huli. Ang pelikula nila ay handog ng IdeaFirst Company, Octobertrain Films at Quantum Films directed by Jun Lana.
Baka Bet Mo: Michael Pangilinan sinita, biro sa estudyante na ‘para makagawa tayo ng baby’ hindi nagustuhan ng netizens
Sumunod ang float ng “Here Comes The Groom” at malakas ang appeal ni Awra Briguera dahil habang sumasayaw sila nina KaladKaren at Iya Mina ay maraming kumakaway at kinukunan sila ng video.
At nang nasa stage na sila ay sinisigaw na ang pangalan nina Miles Ocampo, Awra, Gladys Reyes, KaladKaren, Enchong Dee, Iyah Mina habang nagpa-hep-hep hooray, sabay imbita na panoorin ang pelikula nilang idinirek ni Chris Martinez mula sa Quantum Films, Brightlight Productions at Cineko Production.
Bukod dito, nagtilian din ang audience nang makita nila ang dalawa pang artista sa “Here Comes The Groom ” na sina Nico Antonio at Fino Herrera lalo na nang mag-topless sila at ibinandera ang kanilang mga pandesal sa tiyan.
Next ang float ng “Love You Long Time” nina Carlo Aquino at Eisel Serrano produced ng Studio Three Sixty at idinirek ni JP Habac, Jr. May mga narinig naman kaming tumatawag sa pangalan ng aktor.
Pagtuntong nila ng entablado para kumanta ay hiyawan kay Carlo ang mga tao, ang lakas talaga ng appeal ng aktor at maganda rin ang boses. Kinanta nila ni Eisel ang “Ikaw Lang” na orihinal ng Nobita.
View this post on Instagram
May mga kumaway at tumawag din sa mga pangalan nina Angeline Quinto at Alex Gonzaga na bida ng “Single Bells” mula sa direksyon ni Fifth Solomon, produced ng Tin Can Studios. Wala naman kaming narinig na tumawag sa pangalan ni Aljur Abrenica.
Nang nasa stage na sila ay kumanta ang dalawang aktres pero walang reaksyon ang tao kahit na tinawag pa nila si Aljur, as in waley talaga. Hindi rin makasabay ang aktor sa pagsasayaw ng dalawang kasamang aktres. Anyare?
Malayo pa lang ang float ng “Apag” ay maingay na ang audience at panay ang tawag sa pangalan ni Coco Martin bilang Tanggol na karakter niya sa “FPJ’s Batang Quiapo.”
At mas lalong umingay ang paligid nang maghagis na sila ng t-shirts na may nakalagay ng titulo ng pelikulang idinirek ni Brillante Mendoza produced ng Center Stage Productions, Hongkong International Film Festival Society.
Nakabibingi pa ang hiyawan ng lahat ng nasa stage na ang buong cast ng “Apag” at muling naghagis na naman ng t-shirts sina Sen. Lito Lapid, Gov. Mark Lapid at Coco.
May mga narinig din kaming hiyawan sa float ng “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera)” dahil kina RK Bagatsing, Meg Imperial, Shira Tweg at Eric Nicolas mula sa Saranggola Media directed by Joven Tan.
View this post on Instagram
At nang nasa stage na sila ay okay pa rin ang pagtanggap ng audience ng mag-imbita silang panoorin ang pelikula.
Ang huling float na dumating ay ang “Unravel” nina Kylie Padilla at Gerald Anderson at tinatawag ng audience ang pangalan ng dalawang bida at panay naman ang video ng aktres sa reaksyon ng tao sa kanila ng aktor.
Pagtuntong nila sa entablado ay pangalan ni Gerald ang hinihiyaw at natawa ang mga tao sa sinabi ni Kylie na kikiligin ang mga manonood dahil sa kanila ng aktor. Idinirek ni RC delos Reyes ang “Unravel” produced ng Mavx Production, Inc.
Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang nag-welcome sa lahat ng mga kasama sa 1st Summer Metro Manila Film Festival bilang sponsor ito ng Lungsod Quezon kasama si MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) acting chairman and concurrent MMFF over-all Chairman, Atty. Don Artes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.