Cory Quirino iginiit na hawak ng ‘Mutya’ ang lisensya ng Miss Intercontinental
HINAYAG ni Mutya ng Pilipinas Pres. Cory Quirino na taglay ng pambansang patimpalak niya ang national license ng Miss Intercontinental pageant para sa 2023. Binitawan niya ang pahayag na ito makaraang umikot ang bulung-bulungang ibang organisasyon ang pipili sa magiging kinatawan ng Pilipinas para sa naturang pandaigdigang patimpalak ngayong taon.
“We have the [Miss Intercontinental] license, and the commitment from the international organization that we have the license,” sinabi niya sa mga kawani ng midya na nagtipon sa CWC Interiors sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong Marso 29 para sa isang press conference na ipinatawag ng Mutya ng Pilipinas organization upang maglabas ng ilang pahayag. Subalit hindi kasali sa agenda ang usapin hinggil sa Miss Intercontinental pageant.
“There may have been confusion among you because another pageant is claiming to also have [the license]. If only I could show you the license, but we are not allowed to. We have it,” pahayag ng wellness guru at host, na minsang naging national director ng Miss World pageant para sa Pilipinas. Sa ilalim ng panunungkulan niya, naitala ng bansa ang una nitong panalo sa Miss World nang koronahan si Megan Young noong 2013.
Para sa kaalaman ng madla, walang iba pang pambansang patimpalak na naglalabas ng opisyal na pahayag na umaangkin sa lisensya ng Miss Intercontinental pageant para sa Pilipinas para sa 2023. Hindi rin naglalabas ng pahayag ang pandaigdigang organisasyon kaugnay ng mga pambansang prangkisa, sa Pilipinas man o sa ibang bansa, sa social media.
Nitong Pebrero, hinayag ng Mutya ng Pilipinas organization na 10 taon mula nang huli itong nagpadala ng kinatawan sa Miss Intercontinental pageant, muli itong magpapadala ng reyna sa naturang pandaigdigang patimpalak, at itinalaga ang reigning titleholder na si Iona Gibbs para sa pagtatanghal ng contest ngayong taon. Si Koreen Medina ang huling Mutya na lumaban doon, at nagtapos sa ikaapat na puwesto noong 2013 sa Alemanya.
Nakuha ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ang national franchise ng Miss Intercontinental pageant noong 2014. Nasungkit ng Cebuanang si Kris Tiffany Janson ang unang titulo bilang Bb. Pilipinas Intercontinental at nagtapos sa ikatlong puwesto sa pandaigdigang patimpalak.
Nakapagtala ang BPCI ng dalawang panalo sa Miss Intercontinental pageant. Si Karen Gallman ang unang nakapagbigay ng korona sa bansa sa ika-47 edisyon ng patimpalak na itinanghal sa Pilipinas, habang nagwagi naman Cinderella Faye Obeñita sa ika-49 edisyon na isinagawa makaraan ang isang-taong pahinga dahil sa COVID-19 pandemic.
Dalawang ulit namang lumaban sa Miss Intercontinental pageant si Christi Lynn McGarry, una bilang kinatawan ng Mutya ng Pilipinas, at sumunod bilang reyna ng Bb. Pilipinas. Kinoronahan siya bilang Mutya ng Pilipinas Asia Pacific noong 2010, ngunit siya ang ipinadala ng organisasyon sa Miss Intercontinental pageant sa halip na si Mutya ng Pilipinas Intercontinental Carla Lizardo.
Nagtapos si McGarry sa Top 15 ng 2010 Miss Intercontinental pageant at hinirang pa bilang Miss Intercontinental-Asia and Oceania. Makaraan ang limang toan, sumali siya sa Bb. Pilipinas pageant kung saan niya muling tinanggap ang responsibilidad na ibandera ang Pilipinas sa Miss Intercontinental pageant.
Naging mas mapalad siya sa pangalawang pagtatangka sa korona ng Miss Intercontinental, at pumangalawa kay Valentina Rasulova mula Russia. Muli pang tinanggap ni McGarry ang titulo bilang Miss Intercontinental-Asia and Oceania.
Nagtapos naman si Bb. Pilipinas Gabrielle Basiano sa Top 20 ng pinakahuling edisyon ng Miss Intercontinental pageant na itinanghal sa Ehipto noong Oktubre ng nagdaang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.