RK Bagatsing, Jane Oineza wala pang balak magpakasal, marami pang gustong gawin sa kanilang showbiz career
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
RK Bagatsing at Jane Oineza
“ANG sabi ko sa kanila kumakanta ako pero hindi ako ganu’n kagaling kumanta, so, parang hindi yata approve sa akin iyan.”
Iyan ang sagot ng aktor na si RK Bagatsing kina Direk Joven Tan at Saranggola Media President na si Ginang Edith Fider nang ialok sa kanya ang biopic ng music legend na si Rey Valera.
Ito ay ang “Kahit Maputi Na ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera)” na entry sana noong December para sa Metro Manila Film Festival 2022 pero hindi napili. Pero pumasok nga sa 1st Summer MMFF simula sa Abril 8 hanggang 18.
“Sabi nila, may nai-record na silang kanta at gusto lang nilang maiarte iyong puso ng bawa’t letra kaya nila ako kinukuha.
“Ngayon kasi sa stage ng career ko ayaw kong maging safe. Sabi ko natatakot ako pero iyan iyong mga gusto kong project ‘yung natatakot ako, so, nag-yes ako sa proyekto,” kuwento ng aktor kung paano sila nagkasundo ni direk Joven.
During the shoot ay hindi nagkita sina RK at ginoong Rey na naging pabor din sa aktor dahil baka nga naman makaramdam siya ng pressure at hindi na niya magampanan ng maayos ang karakter niya bilang Rey Valera.
Para magaya ni RK ang mga kilos, pananalita at facial expression ng mahiyaing mang-aawit ay nag-research siya sa YouTube.
“(Pinanood) Ang dami niyang concert at interview saka bawa’t kanta naman niya ay nandoon na ang personalidad niya,” kuwento ng aktor.
Ang pinakamahirap na eksenang ginawa ni RK sa pelikula ay, “Iyong (pagsuot) ng wig pero overall nag-enjoy ako sa pelikula.”
Anyway, unang beses palang mapasama si RK sa Metro Manila Film Festival kaya inaming masaya siya bilang parte ng kauna-unahang Summer Film Festival ng bansa.
“Kaya no’ng nalaman kong kasali kami sa line-up (final 8) sabi ko sa sarili ko, ‘uy, makakasakay na ako sa float (Parade of the Stars),” natawang sabi ng binatang aktor.
Sa ginanap na private screening ng “Kahit Maputi Na ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera)” ay kabang-kaba si RK dahil halo-halo ang nasa isip niya kung ano ba ang magiging reaksyon ni Rey at intimidated daw siya kaya hindi niya masabi ang mga gusto niyang sabihin sa taong ginampanan niya sa movie.
“Kaharap ko na (RV) at may mga sinasabi siya sa akin pero tumatagos lang sa kabilang tenga ko and eventually no’ng natapos ang pelikula at nakita kong ngumiti siya and while watching nakita ko tumitingin siya sa amin (puwesto) gumaganu’n siya (thumbs up), so, unti-unti nawawala iyong kaba namin ni direk Joven.
“Tapos ang una niyang (Rey) sinabi sa akin, ‘alam mo okay ito (pelikula) kasi ang mensahe nito ay inspirasyon para sa mga nangangarap,” pag-alala ni RK.
Samantala, sa nasabing screening na ginanap sa Gateway Cineplex 5 nitong Sabado, Marso 25 at excited daw itong mapanood ng girlfriend ni RK na si Jane Oineza.
Bago magsimula ang screening ay natanong si RK kung kumusta sila ng dalaga, “Masaya kami at excited kami sa career namin individually and excited din kami sa mga pelikula naming lalabas this summer sa MavX, The Swing kaya after nitong pelikula sa April, by May lalabas na ‘yung pelikula namin at abangan ninyo kasi pasabog.”
Ikatlong pelikula na nina RK at Jane ang “The Swing” at base sa napanood naming trailer ay nagulat kami sa mga karakter na ginampanan nila bilang mag-asawa na hindi magkaanak.
Pumunta sila sa ibang bansa at naging adventurous at dito na nga nagsimula ang gusot sa buhay nila.
Going back to RK ay inaming hindi pa nila naiisip ni Jane na i-level up ang kanilang relasyon dahil marami pang paparating na projects para sa aktres at masaya siya para sa dalaga at ganu’n din naman si Jane sa kanya.
Kasama rin sa “Kahit Maputi Na ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera)” sina Christopher de Leon, Gelli de Belen, Rosanna Roces, Aljur Abrenica, Rico Barrera, Josh de Guzman, Lotlot de Leon, Jenine Desiderio, Meg Imperial, Ronnie Lazaro, Gian Magdangal, Carlo Mendoza, Ara Mina, Arlene Muhlach, Pekto Nacua, Eric Nicolas, Dennis Padilla, Epy Quizon, Arman Reyes, Ariel Rivera, Ricky Rivero, Lloyd Samartino, Shira Tweg, Lou Veloso at Gardo Versoza.