Hugot ni Kiray…pare-pareho ang rason ng cheaters kapag nagloko, Paolo never nanisi ng dyowa: ‘Kung may ginawa kang masama, say sorry’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Kiray Celis at Paolo Contis
NANINIWALA ang Kapuso comedienne at content creator na si Kiray Celis na iisa lang ang dahilan ng lahat ng mga manloloko pagdating sa pakikipagrelasyon.
Ayon sa komedyana, nabiktima na rin daw siya ng isang cheater noon na nagresulta sa kanilang paghihiwalay bilang magdyowa.
Naikuwento ito ni Kiray sa pakikipagchikahan niya sa Kapuso actor at TV host na si Paolo Contis sa isang digital talk show ng GMA 7 kung saan napag-usapan nga nila ang tungkol sa cheating o pagtataksil.
Alam naman ng lahat na naging kontrobersyal din si Paolo nitong mga nagdaang buwan matapos siyang akusahan na nag-cheat sa dati niyang ka-live in na si LJ Reyes.
Ipinagpalit umano niya ang aktres kay Yen Santos na karelasyon na nga niya ngayon matapos magdenay noong kasagsagan ng issue ng hiwalayan nila ni LJ.
Going back kay Kiray, naibahagi nga ng aktres na kung may isa siyang natutunan sa relationship niya noon sa kanyang ex-boyfriend, yan ay ang iisang dahilan na ibinibigay ng mga cheaters kung bakit sila nagloloko.
“Lahat pala ng mga manloloko, isa lang ang reason. Yung mga manloloko, yung mga partner nila yung sisisihin.
“Parang ‘ikaw kasi kaya ako nagloko.’ Ikaw yung pagmumukhaing masama. Na-try mo ba yun?” ang diretsahang tanong ni Kiray kay Paolo.
“Ako, to be honest, never akong nanisi sa mga mali ko. Ang sa akin lang, kung may ginawa kang masama, be man enough to admit it.
“Say sorry, and then try to change for the better,” ang sagot naman ng Kapuso star kay Kiray.
Ngunit aminado rin si Pao hanggang ngayon ay masasabi niyang “work in progress” pa rin siya at sinusubukan talaga niyang mas maging mabuti at responsableng partner sa kanyang girlfriend.
Matatandaang kinumpirma ni Paolo ang tungkol sa relationship nila ni Yen sa pamayam ng “Fast Talk with Boy Abunda.” Nilinaw niya na hiwalay na sila ni LJ nang maging magkarelasyon sila ni Yen.
“Sa amin kasi kumbaga is what you see is what you get naman eh. Di naman namin pwede ipilit yung tao to be happy for us.
“Hindi rin naman namin pwede ipilit ‘yung mga tao na paniwalaan yung gusto nilang paniwalaan sana lang isipin nila na kung ano lang yung nakikita nilang naka-post, ‘yun lang y’ung truth na alam nila,” paliwanag ni Paolo.