2 pambato ng Pilipinas tumanggap ng karangalan sa karatig-bansa
DALAWANG kinatawan ng Pilipinas ang ginawaran ng mga parangal sa dalawang pandaigdigang patimapalak na hiwalay na itinanghal ilang araw ang pagitan sa Indonesia at Vietnam ngayong linggong ito.
Kinoronahan ang Dutch-Filipino na si Erik Lennart Visser mula Cebu bilang 2023 Mister Universe Tourism sa patimpalak na itinanghal sa Bali Nusa Dua Theater sa Bali, Indonesia, noong Marso 19, tinanggap ang titulo mula kay Surasak Muangkeaw ng Thailand na nagwagi noon pang 2019.
Samantala, pumangatlo naman ang college student na si Mariel Baltazar sa unang edisyon ng Miss Business Global pageant na itinanghal sa Dak Nong, Vietnam, noong Marso 21. Nasungkit ng host delegate na si Nguyen Thi Thao ang korona.
Ilang taong naghintay si Visser bago bumandera sa pandaigdigang entablado. Kinoronahan siyang Ginoong Pilipinas noon pang 2019, at inantabayanan na ang pagsabak sa Mister Universe Tourism pageant. Ngunit dahil sa COVID-19 pandemic, napilitan ang mga Pilipinong organizer na huwag munang magsagawa ng patimpalak.
Nagbalik ang pandaigdigang patimpalak na panlalaki ngayong taon na may walong kandidato mula sa iba’t ibang bansa. Hinirang din si Visser bilang Best in Formal Wear. Pumangalawa naman si Best in Swimwear Francisco Jose Merida Moyano mula Espanya, habang pumangatlo si Best in National Costume Huynh Vo Holang Son mula Vietnam.
Mas maikli naman ang paghihintay ni Baltazar kaysa kay Visser. Ipinakilala siya sa mga kawani ng midya noong Nobyembre ng isang taon, sapagkat naunang itinakda noong Disyembre ang unang edisyon ng Miss Business Global pageant.
Nilipat ng international organization sa Marso ang pagtatanghal ng pandaigdigang patimpalak. Nakahatak ito ng 17 kandidata mula sa iba’t ibang bansa. Kasama nina Baltazar at Nguyen sa mga nagwagi si first runner-up Alisa Miskovska mula Latvia.
Tinanggap din ni Baltazar ang Miss Business Friendship Global award sa pandaigdigang patimpalak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.