Whamos binigyan ng tig-P38k ang 3 tiyahin na nawalan ng trabaho: ‘Dahil wala na kayong work, ako na bahala sa pangnegosyo n’yo’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Whamos Cruz
HALOS mapaiyak ang tatlong tiyahin ng sikat na content creator at social media personality na si Whamos Cruz nang sorpresahin niya ang mga ito ng financial assistance kamakailan.
Emosyonal ang tatlong kamag-anak ng vlogger matapos niyang ipatawag ang mga ito at bigyan ng P30,000 each na maaari nilang gamitin para makapasimula ng negosyo.
Sa pamamagitan ng Facebook, ibinahagi ni Whamos na nalaman niyang natanggal sa kani-kanilang work ang tatlo niyang tiyahin na naninirahan sa Sitio Bayabas, Taytay, Rizal kung saan dati ring nakatira si Whamos at ang kanyang pamilya.
“DAHIL WALA NA KAYONG WORK AKO NA BAHALA SA PANG NEGOSYO NYO #WHAMOSCRUZ,” ang simulang pagbabahagi ng YouTuber sa caption ng kanyang FB post.
Pagpapatuloy pa niya, “Talagang pinapunta ko sila rito sa bahay kasi nalaman ko na wala nang trabaho ‘yong mga tita ko. Kaya pinapunta ko agad-agad.
“Actually, kagabi ko lang nalaman kaya kinontak ko sila… para bigyan ng pang-negosyo para kahit wala silang trabaho meron silang pagkakakitaan,” pahayag ni Whamos.
In fairness, bukod sa P30k, binigyan pa ni Whamos ng tig-P8k ang mga tiyahin para maipanggastos ng mga ito sa mga pansariling pangangailangan.
Kilala si Whamos sa pagiging generous sa kanyang pamilya pati na rin sa ibang tao kaya naman puring-puri siya ng madlang pipol at nangakong ipagdarasal siya nang bonggang-bongga para marami pa siyang matulungan.
* * *
Mainit na pinag-uusapan sa social media ang umiigting na mga komprontasyon sa trending Kapamilya teleseryeng “Dirty Linen” matapos itong makakuha ng pinagsama-samang isang bilyong online views sa YouTube, Facebook, TikTok, Instagram, Twitter, iWantTFC, at Kapamilya Online Live.
Gabi-gabing trending sa Twitter Philippines ang serye kung saan puring-puri ng netizens ang sunod-sunod na pasabog na rebelasyon, pati na rin ang matinding aktingan ng cast na pinangungunahan nina Janine Gutierrez, Zanjoe Marudo, Francine Diaz, at Seth Fedelin.
Kabilang ang “Dirty Linen” sa top two TV shows sa iWantTFC at mayroon din itong all-time high viewership record na 141,957 live concurrent views sa Kapamilya Online Live kung saan lalong tumitindi ang paghihiganti ni Alexa/Mila (Janine) dahil mukhang gumagana ang pang-aakit niya kay Aidan (Zanjoe) para pabagsakin ang pamilya Fiero.
“Ang powerful masyado ng bawat eksena ng Dirty Linen and in fairness, sobrang galing talaga ng musical score, the transitions and thought provoking themes are light years away from anything we have seen in Philippine television,” sabi ni @dirtylenin sa social media.
“Fierce. One word to describe #DirtyLinen from the masterful direction, amazing actors and ensemble, powerful dialogue, near flawless cinematography and a musical score that is both thematic and thought provoking. Truly amazing!” komento ni @Mist3frine.
Sa pagpapatuloy ng kwento ngayong linggo, tiyak na mas maraming manonood ang manggigigil sa pamilya Fiero dahil aligagang-aligaga na si Carlos (John Arcilla) sa tinatagong sikreto ng kanyang asawang si Leona (Janice de Belen).
Hindi pa alam ni Carlos na may sarili pa lang iligal na sabungan ang kanyang misis na maaaring mapabagsak sa kanilang pamilya kapag nalaman ito ng mga otoridad.
Huwag palampasin ang “Dirty Linen” gabi-gabi ng 9:30 p.m. sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.