Heto na, Erap bagsik | Bandera

Heto na, Erap bagsik

Lito Bautista - October 11, 2013 - 03:00 AM

SI ERAP lang, bilang mayor ng Maynila, ang kayang magpasibak nang sabay-sabay sa 10 hepe ng presinto (police community precinct) dahil sa hindi masawata at mapigilan ng mga ito ang ilegal na sugal. Si Erap lang ang kayang magpatupad “one strike and no take” policy na iniutos ng National Police. Mahirap ipatupad ito ng hepe ng police district, bayan o lungsod sa bansa dahil “one strike” lang ito. Noong panahon ni Avelino Razon Jr., “three-strike policy” pa ang ipinairal, kaya matagal bago malaglag sa puwesto ang mga opisyal ng pulisya.

At hindi puwedeng magalit ang mga sinibak kay Erap dahil ito’y kautusan ng PNP na kanya lamang ipinatutupad. Ang mga sinibak ay sina Chief Insp. Magno Gallaro, ng Don Bosco PCP; Insp. Edward Samonte, ng Gagalangin PCP; Chief Insp. Rexon Layug, ng Delpan PCP; Chief Insp. Jhonny Gaspar, ng Asuncion PCP; Senior Insp. Robinson Maranon, ng Barbosa PCP; Chief Insp. Efren Pangan, ng Alvarez PCP; Insp. Santiago, ng Blumentritt PCP; Senior Insp. Patrick de Leon, ng San Andres PCP; Insp. Leonardo de Guzman, ng Zamora PCP; at Chief Insp. Louie Guisic, ng San Nicolas PCP. Kailangang ipadama ni Erap ang bagsik sa mga pulis-Maynila, tulad ng ginawa niya noon sa San Juan.

Magilas itong si Supt. Ferdinand del Rosario, hepe ng Barugo Police Station sa Camarin, Caloocan. Pinapasok niya ang Phase 12 ng Bagong Silang, na hindi ginagawa ng naunang mga opisyal.

May mga pumapasok dito na hindi na nakalalabas. Iba ang lengguwahe rito, na hindi maiintindihan ng taga-Luzon at Visayas.

Nang pasukin, nakita ang 49 motorsiklo’t scooter na walang mga papeles at hinihinalang nakaw o karnap. Sa nakalipas na mga taon, nakita rito ang drug lab, mga armas na ibinebenta o ipinarerenta sa mga sindikato, atbp. Kung sosonahin ang Phase 12, matutunton dito ang maraming wanted sa krimen at batas.

Kumita pala ang Social Security System (tinawag na Suwapang Sa Salapi sa rally kahapon ng umaga sa tapat ng opisina nito sa East ave., Quezon City) ng P36 bilyon, eh bakit itinaas ang premium sa arawang obrero? Hindi maintindihan ng mga obrero kung bakit namahagi ng kabuuang P286 milyon bonus ang pamunuan sa kani-kanilang sarili samantalang ang rank-and-file ay wala.

Heto pa. Ang bawat dumadalo sa board meeting ay tatanggap ng P40,000 at P20,000 sa bawat committee meeting. Nagkakape lang, may bayad pa at P960,000 iyan taun-taon.

Hindi nalungkot ang mga riders nang “mag-retiro” si Virginia Torres bilang hepe ng Land Transportation Office. Kung tutuusin ay nagalit pa nga sila dahil sa iniwan nitong napakalaking problema: wala pa ring plaka at pangilan-ngilan na sticker sa mga bagong motor. Mahigit dalawang taon nang walang plaka ang biniling mga motor ng riders sa buong bansa, lalo na sa Mindanao, ang rehiyon na pinakamarami ang bumibili ng motor at scooter.

Matagal nang ipinasa ni Torres ang problema ng plaka sa Department of Transportation and Communication. Pero, hindi ito maintindihan ng mga riders. Ang LTO ang kumukolekta ng pera para sa rehistro’t plaka, kasama ang sticker. Bayad na siya, pero bakit hanggang ngayon ay wala pa ring plaka. Hindi man lang sinasaklolohan ng mga magnanakaw na senador at kongresista ang mga riders.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sa Sabado (bukas) po ay kapistahan ni Nuestra Senora del Pilar dito sa Zamboanga City. Sana’y tulungan kami ng inyong mga mambabasa na magdasal sa kapayapaan sa aming lungsod at sa maraming bahagi ng Mindanao. Sir Lito, sana’y ikalat ninyo ito. …2134

Sir Lito, nabasa namin sa dyaryo na tumanggap ng P10 bilyon ang Autonomous Region in Muslim Mindanao mula sa DAP. Kailan ba dumating pera? Sira-sira ang kalye sa mga bayan sa Maguindanao, peron palang P10 bilyon? …1832

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending