Ted Failon wala nang balak sumabak sa politika: ‘Hanggang sa lagutan ako ng hininga, sa radyo lang ako’
BAKIT nga ba malakas ang Radyo5 92.3 News FM sa mga nagmamaneho ng pampublikong sasakyan tulad ng jeep at taxi?
Saksi kami rito dahil kapag nakasasakay kami sa kanila ay sa nasabing radio station sila nakatutok. Kasi pala isa sa inaabangan ng mga drivers ang programa nina Ted Failon at DJ Chacha dahil nakakausap nila ang mga host.
Naikuwento ito ni Ginoong Ted sa mediacon ng bagong tunog na 92.3 Radyo5 TRUE FM nitong Sabado, Marso 11, na ginanap sa Quezon Memorial Circle.
“Hindi ko po alam kung ang iba sa inyo ay nakakapakinig po sa amin sa programa meron kaming pakontes, araw-araw ay naghahanap po kami ng nakikinig sa amin na kumuha ka ng video bilang palantandaang nakikinig ka sa amin ay meron kang premyo, dalawang libong piso.
“May pagkakataong taxi driver ang hinahanap namin at dahil nag-e-evolve na ang segment, ‘yung taxi driver na nakausap namin at nakikinig naman talaga sa amin ay ikinukuwento niya ang kanyang buhay tulad ng experience na itinakbo ang cellphone niya ng pasahero na nagpahatid sa Taguig,” kuwento ng co-host ni DJ Chacha.
Nabanggit pa na umaabot sa mahigit isang daang libong piso ang naipapamahaging tulong ng programang “Pabida sa Radyo5” at ang unang pumasok sa isipan namin ay saan galing ang pondong pangtulong?
Nasagot naman kaagad ito ni Ted Failon na marami raw nagpapadala ng tulong sa kanila na ayaw ipabanggit ang mga pangalan kaya’t pinasasalamatan sila namg husto.
Inalam namin kung paano ang proseso, kung ibinibigay ba ito mismo sa hosts at kaagad kaming sinagot na walang perang nahahawakan sina Ted at DJ Chacha dahil sa mismong opisina ito ipinadadala at sila ang nag-o-audit at gumagawa ng report para malinis ang pamamahagi.
At magugulat ka na maraming private netizens at mga kilalang tao na nagbabahagi ng kanilang blessings kaya name-maintain ng programa ang pagtulong sa mga nangangailangan.
Bukod dito ay nagte-train din si Ginoong Ted ng young journalists o mga bagong graduate na naglilibot para mangalap ng mga balita na sila ang kukuha ng video, mai-interview, magsusulat at mage-edit.
View this post on Instagram
Aniya, “Dumami pa sila kasi importante sila sa panahong ‘to dahil sa limited resources, so napaka-importante na mayroon kang citizen journalists na prepared tumakbo, magbalita, at alam kung paano magbabalita.”
At sa tanong kung papasukin ng host ang politika, “Radyo ang aking first love. Mula noon at hanggang ngayon dito na ako hanggang sa lagutan ako ng hininga, sa radyo lang ako.”
Para naman kay Lourd De Veyra kaya maraming nakikinig din sa Radyo5, “Tingin ko ‘yung vibe ng FM, ‘yung linaw, pero at the same time ‘yung pagiging utilitarian, pleasure element ng AM at FM ay napagsasama.”
Hindi naman nakarating si Sen. Raffy Tulfo sa nasabing launching pero nakausap naman siya via phone patch at sadyang malakas ang programa niyang “Wanted sa Radyo” dahil sa mga humihingi ng tulong.
Aniya, “Walang Raffy Tulfo sa senado kung hindi ako napapakinggan sa Radyo5.”
Natanong kasi kung paano pa nito nahahati ang oras bilang public official at host ng dalawa niyang programang “Wanted sa Radyo” at “Raffy Tulfo in Action” sa online.
“Kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan. I’m very happy and the only thing I need to do is manage my time. Kailangan ko ‘yung program kasi kung ‘di dahil doon, walang Raffy Tulfo ngayon sa senado, and the reason I’m doing what I’m doing is because of my style and I wouldn’t change that,” diin nito.
Sayang at hindi nakarating si ‘Nay Cristy Fermin para sa “Cristy Ferminute” program nila ni Romel Chika na makiki-Marites sana ang mga dumalo sa rami ng pinaputok nilang balita.
“We are excited to launch 92.3 Radyo5 TRUE FM and introduce our listeners to our diverse programming lineup,” pahayag ni Raul M. Dela Cruz, General Manager ng National Broadcasting Corporation (NBC).
“We believe that radio remains a powerful medium that can inform, inspire, and entertain. With our new identity, we are committed to providing our audiences with a listening experience that is relevant, engaging, and entertaining,” aniya pa.
Cristy Fermin, Raffy Tulfo, Ted Failon, Cheryl Cosim tuloy ang mga bonggang pasabog sa 2023
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.