Yeng nakaranas din ng pang-iisnab mula sa mga sikat na celebs: ‘Wala, dedma lang, hindi ko na lang din siya papansinin…’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Yeng Constantino
SA loob ng 17 taon, never naisip ni Yeng Constantino na iwan ang entertainment industry kahit pa may mga dumarating na matitinding hamon sa kanyang career at personal na buhay.
Wala raw maalalang insidente ang Kapamilya singer at songwriter na naisip niyang layasan ang showbiz at sumuko sa mga kinaharap na problema at challenges.
“Hindi talaga. Wala akong alam ibang gawin kundi ito lamang. Kaya pakiramdam ko, kapag wala na ako sa industry, baka mag-apply akong teacher dito sa Academy of Rock. Basta music lang,” ang pahayag ng singer matapos siyang pumirma ng kontrata bilang ambassador ng Academy of Rock.
Sa halos dalawang dekada niya sa showbiz, marami rin daw siyang realizations sa buhay. Ano nga ba ang ilang life lessons na natutunan niya.?
“Maging relax lang. Minsan nga gusto kong bumalik sa batang Yeng at sabihin ko sa kanya, ‘Relax ka lang. Wag kang masyadong kabado, nerbiyoso. Wag ka ring malungkutin.’
“Ganu’n kasi ako nu’ng mas bata ako. I think ngayong 17 years na ako sa industry, I’m more relaxed. Talagang nalalagay ko na ang puso ko sa kapayapaan na everything is gonna work out for my good kung paano nilaan ng Panginoon,” ani Yeng.
Natanong din si Yeng sa presscon ng Academy of Rock tungkol sa isyu ng loyalty dahil isa nga siya sa mga Kapamilya stars na mas pinili pa ring manatili sa ABS CBN kahit wala na itong prangkisa.
“Para sa akin, kailangan grateful ka dahil lahat ng nangyari sa career mo ay parte ng kung sino ka ngayon.
“Whether yung mga singles ko na di pumatok, mga kanta ko na sobrang jologs, nakakatawa o mga kanta ko nahasa na ako as songwriter, lahat yun parte ng journey ko.
“I should be grateful sa lahat sa lahat ng season of my career at sa lahat ng mga nakatrabaho ko.
“Grateful ka lang kasi ang ikli ng buhay, ang karera natin sa showbiz, ang suwerte mo kung maging Ms. Regine (Velasquez) ka or Sir Martin (Nievera) or Sir Gary (Valenciano), na talagang kahit may edad na, senior at kagalang-galang, mga bossing natin, mag-i-stay sa industry.
“Maaari kasing hindi, e. Maaaring ngayon mentor ako ng Academy of Rock, may opportunity pa akong mag-record ng album, pero baka next three years baka wala na.
“Sa akin dapat grateful lang ako kasi di ko alam kung hanggang saan ang hangganan ng career na ito. Ang daming dumarating na mas maganda, mas magaling, mas maganda uli, mas talented.”
Samantala, inamin din ni Yeng na nagkaroon din siya ng mga hindi kagandahang karanasan sa mga kapwa celebrities noong nagsisimula pa lamanng siya.
“Oo, siyempre, may ganu’n talaga, e. Wala, deadma lang din, ‘Ay, di ako pinansin,’ e, di hindi ko rin siya papansinin kasi baka may iniisip, ganyan,” pahayag ni Yeng.
Hindi rin daw issue sa kanya kung hindi siya binabati ng mga baguhang artists, “Yung ibang bata kasi ngayon, baka di naman nila narinig ang music ko. Parang di ko naman sila pipilitin na o anuhin mo ako, chill lang din.”