Dione ipakikita ang ‘other side’ sa 2023 P-Pop Con
WALA pang isang taon mula nang bumandera sa lokal na music scene ang grupong Dione, gusto na nilang magpakita ng bago para sa pangalawang edisyon ng pinakamalaking pagtitipon ng P-Pop acts.
“Surprise po. Parang ito ang other side of Dione,” sinabi ni Ella sa Inquirer sa isang panayam sa isang charity event kasama ang mga bata sa Gateway Gallery sa Araneta City sa Quezon City noong Peb. 24.
Sinabi naman ni Joyden, “bukod po sa performances, siguro iyong surprises na hinanda namin, matagal-tagal din po kasi kaming nawala, ipapakita po namin sa inyo kung ano ang bagong Dione 2023.” Umaasa naman si Clara na “we could inspire people who will be watching.”
Nakatakda ang 2023 P-Pop Con, binansagang “the ultimate P-Pop fan gathering,” sa Marso 18 at 19. Sa New Frontier Theater mangyayari ang dalawang-araw na kumbensyon, habang sa Smart Araneta Coliseum naman itatanghal ang culminating concert sa ikalawang araw. Nasa Araneta City ang dalawang benyu.
Sinabi ng apat na dilag na malaki ang pangarap nila nang magtipon upang buuin ang Dione, kaya inasahan na nila ang magtanghal sa napakaraming manonood. Ngunit bihira nilang mapag-usapan ang pagsabak sa mga charity event.
“Now that we were given this chance, parang naisip naming magagawa pala namin ito more now kasi pwede naming sabihin ang experiences namin,” ibinahagi ni Clara. Kasama ng Dione ang P-Pop boy group na 1st.One sa isang hapon ng pakikisalamuha sa 20 batang mula 8 hanggang 12 taong gulang mula sa Gawad Kalinga-Munting Pangarap.
Sinabi naman ni Joybel na sumagi na rin sa isip niya ang magkaroon ng isang katulad na pagtitipon “kapag naging successful tayo, sobra.” At ngayong nangyari na ang pagdamay nila sa mga maralita wala pang isang taon mula nang mabuo, may napagtanto rin si Ella: “Lumawak ang communication namin, ang pagse-send ng messages not only with our songs but also doing this charity event.”
Ngunit hindi na ito bago para kay DK. “Before madalas na po ako sa charity work, so hindi na po ito bago sa akin. Ansarap lang sa feeling na may ganito ulit, tapos nandito ulit ako,” aniya.
“Sobrang overwhelmed po. Iyong iba nahihiya pa, pero iyong iba pinapantayan nila ang energy namin. At makikita mo sa kanila, mga bata pa sila pero ang lalim, ang mature, lalo na ang boys. Ang message ko sana mag-aral kayo nang mabuti, and mangarap,” pagpapatuloy niya.
Ikinagalak din ni Ella ang pagtitipon, at tinukoy kung gaano kabukas ang mga bata “lalo na sa history natin.” Hinikayat din niya ang mga bata na “always look back kung saan kayo nanggaling, and be thankful.”
At dahil bihira nilang makapiling ang kani-kanilang mga pamilya, ikinatuwa ni Joyden ang makapiling ang mga batang may katulad na karanasan. “Sana huwag silang sumuko sa life nila, and mag-aral silang mabuti, and magpakabait,” idinagdag niya.
Nakapagmuni-muni pa si Clara at naghayag ng pasasalamat na naging bahagi ng pagtitipon. “It’s not that they’re learning from us, we’re also learning from them. Parang sa mga bata, iba po ang perspective nila,” ipinaliwanag nila.
Kasama ang Dione sa unang araw ng convention sa Marso 18, kabilang ang P-Pop acts na Calista, R Rules, Daydream, Valfer, Mona, HYV, 6ense, at Yes My Love. Tampok naman sa pangalawang araw ng convention ang PPop Gen, Yara, SMS, Versus, Z2Z, Hori7on, at Blvck Flowers.
Mapapanood naman sa “2023 P-Pop Con—The Ultimate P-Pop Fan Gathering Concert” sa Marso 19 ang SB19, BGYO, BINI, 4th Impact, MNL48, 1st.One, Alamat, Press Hit Play, VXON, G22, at KAIA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.