2023 Mrs. Universe pageant itatanghal sa Pilipinas | Bandera

2023 Mrs. Universe pageant itatanghal sa Pilipinas

Armin P. Adina - February 28, 2023 - 03:45 PM

Mrs. Universe Philippines National Director Charo Laude (left) and reigning Mrs. Universe Philippines Veronica Yu

Kasama ni Mrs. Universe Philippines National Director Charo Laude (kaliwa) si reigning Mrs. Universe Philippines Veronica Yu/ARMIN P. ADINA

MAKARAANG itanghal sa tahanang bansa nitong Bulgaria ang patimpalak para sa 2022, ibinahagi ng Mrs. Universe Ltd. organization na sa Pilipinas gagawin ang kumpetisyon nito para sa 2023.

“We are happy to announce that our event for the most responsible spouse [Mrs. Universe] 2023 will be held from 1 to 9 October in Manila, Philippines. We want to inform you that [these] dates are final,” sinabi ng organisasyon sa Sofia sa isang Facebook post.

Ang Mrs. Universe Philippines Foundation, sa ilalim ni National Director Charo Laude, ang magiging host ng pandaigdigang patimpalak na co-organized ng 2xsist Events, iniulat ng direktor nitong si Anshari Alonto sa ilang kawani ng lokal na midya.

Nauna nang ibinahagi ni Laude na iginawad na sa kanya ang hosting rights para sa pandaigdigang patimpalak ngayong 2023, at sinabing maaaring pahiwatig itong kuntento ang organisasyon sa pamamalakad niya sa Pilipinas. Isa rin siyang dating kandidata, nagtapos sa semifinals ng 2019 Mrs. Universe pageant.

Si Elena Maximova mula sa republikang Ruso ng Udmurtia ang nakasungkit sa korona sa pinakahuling edisyon na may mahigit 100 kalahok, habang nagtapos sa ikapitong puwesto si Mrs. Universe Philippines Veronica Yu na itinanghal din bilang Mrs. Elegance. Isa pang Pilipina, si Gines Angeles, ang nakapasok sa Top 25.

Iba pa ito sa isa pang patimpalak na may katulad na titulo. Itinaguyod ng Pilipinang taga-Australia na si Maryrose Salubre ang Mrs. Universe (official) pageant noong isang taon, at itinanghal ang una nitong edisyon noong Disyembre sa Sydney na may 20 kandidata. Naiulat na dadalhin din niya sa Pilipinas ang patimpalak niya sa darating na Oktubre.

“We are the only one trademarked and licensed event with this name. The email where you can send your applications and requests for participation is [email protected],” sinabi ng Mrs. Universe Ltd. sa Bulgaria, idinagdag pang walang “any other dates for the event.”

Pagpapatuloy pa ng pangkat sa Sofia: “Be aware and do not apply for other events with similar like our name since you can be a victim of fraud and to participate in poor class and quality event.”

Nagtatanghal ng taunang patimpalak ang Mrs. Universe Ltd. mula noong 2007, ngunit sinasabi ng organisasyon na nasa ika-46 taon na ito ngayong 2023. Bukas ang patimpalak sa mga kasal, diborsiyada, o biyudang mula 18 hanggang 55 taong gulang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending