Mutia ti La Union pageant nagbabalik makalipas ang 3 taon
CITY OF SAN FERNANDO, La Union—Nang huling itanghal ang Mutia ti La Union pageant noong Marso 2020, nagkakandaugaga ang ilang mga bansa upang masukol ang pagkalat ng COVID-19, at may ilang impeksyong naitala sa Pilipinas. At ngayon, makalipas ang tatlong taon mula nang huling magkorona ng reyna, nagbabalik ang patimpalak kahit mas huli na ito sa ilang panlalawigang patimpalak.
“Well, we are slowly rising from the effects of the pandemic. We can see that with the collective effort, everyone has been vaccinated. So, evidently, it’s much safer for everyone to gather for events,” sinabi ni La Union Gov. Raphaelle Veronica Ortega-David sa Inquirer sa isang panayam sa pre-coronation activity sa Agora Event Center ng Thunderbird Resorts Poro Point sa City of San Fernando noong Peb. 26.
Nagtanghal sa preliminary talent competition at rumampa suot ang “casual chic” na gayak gamit ang katutubong telang “Abel Iloko” ang mga kandidatang kumakatawan sa lahat ng 20 bayan at lungsod ng lalawigan noong gabing iyon.
Sinabi ng 25-taong-gulang na lingkod-bayan na nagpasya rin ang pamahalaang panlalawigan na ibalik ang mga pagdiriwang para sa kapakanan na rin ng mga tao. “Na-affect po ang mental health nating lahat during the pandemic, kaya gusto naming ibalik, kasi ito po ang nakakapagbigay rin ng saya sa mga tao natin dito, kaya binabalik na po natin,” ipinaliwanag niya.
Isang-buwang pagdiriwang ang nilatag ng pamahalaang panlalawigan ngayong taon bilang pagbubunyi sa ika-173 anibersaryo ng pagkakatatag sa La Union. “With a bang pa po, kasi it’s not just only during March 2, La Union Day itself, na may festivities po tayo. We also planned it to be a month-long activity po. So, we kicked it off yesterday with our agritourism trade fair showcasing all 20 LGUs. And siyempre ang magiging highlight po natin will be the Mutia ti La Union 2023,” ibinahagi ni David.
Kung sa nakalipas na patimpalak isinulong ang adhikain ng lalawigan na maging “The Heart of Agritourism in Northern Luzon by 2025,” ngayong taon ikakampanya ng contest ang pangangalaga sa kalikasan at sustainability. “Now more than ever, naniniwala po ako, kabataan din po ako, na kung hindi po natin pangangalagaan ang kalikasan po natin ngayon, in the future po kung nawala po ito, delikado po tayong lahat,” sinabi ng Gen-Z na lingkod-bayan.
Kaya naman umaasa siyang maliliwanagan ang mga mamamayan na seryoso ang pamahalaang panlalawigan sa mga adhikain nito sa pamamagitan ng Mutia. “More than showcasing the beauty, brains, and talent of our candidates, hopefully ma-showcase din po nila iyong advocacies, and iyong purpose po nila, para ma-insire po nila iyong mga kaprobisiyaan po natin dito sa La Union, our communities to do more for the province, more for the planet,” ani David.
Mababatid din sa coronation night ang resulta ng preliminary competition noong Peb. 26. Iniskoran ang talent competition alinsunod sa mga criteria na overall performance (50 percent), creativity/originality (20 percent), stage appearance/personality (20 percent), at entertainment value/audience response (10 percent).
Noong gabing iyon din pinaglabanan ang titulong “Mutia Fashion Runway” sa Abel Iloko fashion show segment, alinsunod sa mga criteria na stage presence/confidence (25 percent), projection/fierceness (25 percent), bearing of the outfit/appearance (25 percent), at overall look of the outfit/presentation (25 percent). May magwawagi ring isang designer ng Abel Iloko fashion look.
Itatanghal ang 2023 Mutia ti La Union coronation night sa Poro Point Baywalk sa City of San Fernando sa Marso 2. Host sina Kapamilya personality Robi Domingo at 2020 Miss Grand International first runner-up Samantha Bernardo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.