Ashley Subijano Montenegro babandera na sa Miss Eco International pageant sa Egypt | Bandera

Ashley Subijano Montenegro babandera na sa Miss Eco International pageant sa Egypt

Armin P. Adina - February 26, 2023 - 04:57 PM

 

Ashley Subijano Montenegro

Miss Eco Philippines Ashley Subijano Montenegro/ARMIN P. ADINA

 

BABANDERA na sa 2023 Miss Eco International pageant sa Egypt si Ashley Subijano Montenegro upang higit pang umangat mula sa anino ng mga tanyag na magulang—sina 1994 Miss World semifinalist Cara Subijano at host-model Hans Montenegro.

Hindi lamang ang ikatlong panalo ng Pilipinas ang tatangkain niyang masungkit sa Miss Eco International pageant, hangad din niyang maitala ang unang back-to-back na panalo ng bansa sa kasaysayan ng pandaigdigang patimpalak.

Mula sa Pilipinas si reigning Miss Eco International Kathleen Paton, habang unang nagwagi ang bansa noong 2018 sa pamamagitan ni Cynthia Thomalla. Si Montenegro ang unang anak ng isang national beauty queen na naging kinatawan ng Pilipinas sa nasabing pandaigdigang patimpalak.

Naunang nakatakdang sumali sa Miss Charm sa Vietnam noong 2020 si Montenegro. Itinanghal siya bilang Miss Charm Philippines sa 2019 Global Asian Model Philippines search, kung saan nagwagi ang isa pang kandidatong “legacy,” si Mister Global Asian Model Philippines Joshua De Sequera, anak ni dating Bb. Pilipinas Maja Marina Benipayo.

Naunsyami ang pagtatanghal ng kauna-unahang Miss Charm pageant dahil sa COVID-19 pandemic, at naghintay si Montenegro kung makasasabak pa siya. Subalit binitawan na niya ang titulo nang sumali sa 2022 Miss World Philippines pageant.

Ashley Subijano Montenegro

Miss Eco Philippines Ashley Subijano Montenegro/ARMIN P. ADINA

Kinoronahan siya bilang Miss Eco Philippines sa Miss World Philippines pageant, at naatasang ibigay sa bansa ang ikalawang kasunod na tagumpay sa Miss Eco International pageant. Isa siya sa mga natitirang reyna ng national organization na sasabak pa lang abroad.

Nagtapos sa Top 20 ng 2022 Miss Supranational pageant sa Poland si Miss Supranational Philippines Alison Black, habang pumangalawa naman sa 2022 Miss Eco Teen pageant sa Egypt si Beatriz Mclelland.

Nakatakdang tumulak pa-Bolivia sa susunod na buwan si Reina Hispanoamericana Filipinas Ingrid Santamaria para sa 2022 Reina Hispanoamericana pageant, na ilang ulit nang na-postpone dahil sa kaguluhang nangyayari roon.

Samantala, babandera naman si reigning Miss World Philippines Gwendolyne Fourniol sa 2023 Miss World pageant, na itatanghal sa United Arab Emirates sa unang pagkakataon, sa Mayo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Itatanghal ang 2023 Miss Eco International coronation night sa Triumph Luxury Hotel-Al Katameya sa Egypt sa Marso 17 (Marso 18 sa Maynila).

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending