Nasungkit ng psychology student na si Jackelaine Fleming mula Calbayog City sa Samar ang titulo bilang Miss FIT (Face, Intelligence, Tone) Philippines sa pagtatanghal ng patimpalak sa Palazzo Verde sa Las Piñas City noong Enero 31.
Sa pagtatapos ng palatuntunan, dinaig ni Fleming ang 27 iba pang kalahok upang manahin ang titulo mula kay Yllana Marie Aduana, na hinirang na 2021 Miss FIT Philippines. Walang itinanghal na paligsahan noong isang taon, kaya itinuturing na edisyon para sa 2022 ang katatapos na patimpalak.
Tumanggap din ng P200,000 ang 22-taong gulang na si Fleming, na nag-aaral sa Fort Lewis College. Isusulong niya ang “wholistic wellness” at itutulak ang overall fitness sa mga Pilipina.
First runner-up si Aliya Clemena Rohilia mula Albay, na tumanggap ng P75,000 halaga ng salapi at ibang premyo. Second runner-up naman si Juyvel Anne Saluta mula sa Lungsod ng Maynila, na tumanggap ng P50,000 halaga ng salapi at ibang premyo.
Kapwa mga runner-up din sina Larsine Grace Jensen mula Candijay, Bohol, at Arrieanna Zobelle Beron mula San Pedro, Laguna, at tumanggap sila ng tig-P30,000 halaga ng salapi at ibang premyo.
Hinahanap ng Miss FIT Philippines pageant ang mga Pilipinang nagtataglay ng “most beautiful faces,” may “intellectual and emotional intelligence,” at may “toned and healthy bodies.” Una itong itinanghal nang virtual noong 2020, sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Ang pageant veteran na si Malka Shaver ang nakasungkit sa korona noong taong iyon.
Tinanggap naman ni Aduana ang titulo sa unang pisikal na pagtatanghal ng Miss FIT Philippines pageant. Katatapos lang niya noong sumabak sa una niyang national competition, ang 2021 Miss Philippines Earth pageant kung saan siya naging runner-up.
Makaraang hirangin bilang 2021 Miss FIT Philippines, sumabak si Aduana sa 2022 Binibining Pilipinas pageant, kung saan siya nagtapos sa Top 12 at tinanggap pa ang titulong “Face of Binibini” (Miss Photogenic).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.