Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Petron Blaze vs Rain or Shine
MATAPOS na mapatid ang winning streak ng Petron Blaze, nais ng Rain or Shine na makaulit sa Boosters sa Game Four ng 2013 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals series mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Kung magtatagumpay ang defending champion Elasto Painters sa misyong ito ay mapupuwersa nila sa winner-take-all Game Five ang Boosters para sa karapatang makapasok sa best-of-seven championship round ng season-ending tournament.
Sa kabila ng pagkawala nina Paul Lee at Ryan Araña at pagkakaroon ng kaunting injury ni JR Quinahan ay naungusan ng Elasto Painters ang Boosters, 92-87, sa Game Three noong Sabado.
“We’re just hoping to extend the series and keep our title retention hopes alive. We’d love to play in Game Five,” ani Rain or Shine head coach Joseller “Yeng” Guiao.
Ang Elasto Painters ay nakabalik sa siyam na puntos na kalamangan ng Boosters at humarurot sa fourth quarter sa pamamagitan ng opensa nina Jeff Chan at Arizona Reid at matinding depensa ni Gabe Norwood laban kay Elijah Millsap.
Si Millsap, na nangunguna sa labanan para sa Best Import award ng torneo, ay hindi nakaiskor sa second at fourth quarters. Nagtapos siya ng may 17 puntos kumpara sa 25 puntos ni Reid.
Ang Petron Blaze, na nagkampeon sa torneong ito dalawang seasons na ang nakalilipas, ay nagwagi sa Game One (91-83) at Game Two (90-88) subalit nabigong makumpleto ang pagwalis sa Elasto Painters.
Dahil sa kulang ang manlalaro niya, umaasa si Guiao na makakakuha ng magagandang numero sa mga ibang Elasto Painters tulad nina Chris Tiu, Ronnie Matias at Tyrone Tang.
Sa kabila naman ng pagkakapatid ng kanilang 11-game winning streak, tiwala si Petron coach Gelacio Abanilla III na kaya ng kanyang koponan na makabangon at wakasan ang serye. Ayaw ni Abanilla na mahatak sila sa Game Five kung saan mapupunta sa kanila ang pressure.
Si Millsap ay susuportahan nina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Smart Gilas member June Mar Fajardo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.