SA kabila ng mga negatibong komento patungkol sa TV host-vlogger na si Alex Gonzaga ay may mangilan-ngilan namang nagtatanggol rito.
Isa na nga ang nakatrabaho nitong direktor na si Direk Roman Perez Jr. na nakasama niya sa TV5.
Bagamat ayaw niyang madamay sa kasalukuyang isyu ni Alex kung saan marami sa madlang pipol ang hindi natuwa nang pahiran niya ng cake sa mukha ang waiter na nakilala bilang si Allan Crisostomo.
Sa kanyang Facebook account ay ibinahagi niya ang isang mahabang post patungkol sa kontrobersyal na personalidad ngayon.
“Ayaw ko na makisawsaw kay Cathy (Alex G.) Kasama ko siya halos tatlong taon sa TV5 . Naidirek ko siya halos ilang taon. Kilala ko siya, naging kaibigan , ka buwisitan, naging kapatid,” umpisa ni Direk Roman.
Kung hindi raw iuugnay ang political stand nito ay masasabing mabait ang vlogger at hindi raw madamot sa mga katrabaho.
“Saksi ako. Ilang Pasko at pagtatapos ng Show tuwang tuwa mga manggagawa dahil tumutulong siya sa manggagawa sa industriya. Wala pang politika rito. Wala pang Eleksyon,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa niya, may iba raw talagang kakulitan si Alex at may sarili rin talaga itong trip at toyo. May mga pagkakataong pumipitok at tinotopak rin gaya ng ibang babae.
Ngunit ikinakabahala niya ang nagiging reaksyon ng mga tao lalo na sa kasalukuyang kontrobersiyang kinasasangkutan nito.
“Sobrang minomolde tayo ng paghuhusga. Hinahati tayo ng paniniwalang politika at moralidad? Perpekto ba tayo? Hindi ba tayo sumuka ng nalasing?” pagtatanggol ng direktor kay Alex.
Hirit pa niya, “Hindi ba tayo nag-trip nung Birthday natin… gumawa ng bagay na mag-trip? Kung hindi? Aba eh. Hindi ka masayang tao! Pa Check up kayo.”
Ibinandera rin nito na sa tuwing magkakaroon daw sila ng party ay nakakatanggap siya ng sapatos mula kay Alex.
Samantala, nagsalita naman na ang bunsong Gonzaga hinggil sa isyung ito at humingi na rin ng paumanhin sa nasaktang waiter.
Related Chika:
Kampo ni Alex Gonzaga nagsalita na ukol sa viral video, sinabing ‘family friend’ ang naturang waiter
Alex Gonzaga masama raw ang ugali sabi ng mga nakatrabaho sa likod ng kamera
Cristy Fermin na-witness rin noon ng pagiging late ni Alex Gonzaga: Parang ganu’n sa sinabi ni Dina!