P-pop group na Alamat may mensahe para sa mga ‘Magiliw’
BUMUHOS ang biyaya para sa P-pop group na Alamat ngayong 2022.
Nasungkit ng awitin nilang “ABKD” ang “Pop Song of the Year for Cultural Relevance” sa 7th PPop Awards, habang nauwi naman ng “Itodo Mo Beat Mo” ang “Best Music Video” award sa 27th Asian Television Awards.
Para sa season 5 ng TV show na “Coke Studio Philippines” and music video, at kasama nila ang mang-aawit na si Iñigo Pascual sa pag-awit nito. Itinampok din sila sa pagtatanghal nito ng “Christmas Finds Its Way” sa Greenfield District Central Park sa Mandaluyong City noong Dis. 3.
Kinausap ng mga kasapi ng pangkat ang Inquirer bago sila sumalang sa entablado upang magtanghal para sa mga manonood. Sa panayam, ibinahagi nila ang mensahe nila para sa mga tagahangang tinatawag na “Magiliw,” maging ang kani-kanilang New Year’s resolutions.
Nangako sina Mo, Taneo, Alas, at R-ji na dodoblehin ang pagtratrabaho, at magdadagdag ng panahon para sa kanilang pagsasanay.
Pabiro namang sinabi ni Tomas, ang bunso ng pangkat, na hihingi siya ng dobleng bayad. Ibinahagi niyang “mas gagalingan ko pa at mas sisipagan ko pa sa ginagawa ko.”
Sinabi naman ni Jao, na ipinagdiwang ang kaarawan ngayong buwan sa pamamagitan ng isang cover feature sa magasing Parcinq, na “I already love myself, so [I will just] become a better version of myself.”
Pinaalalahanan ni Taneo ang mga tagahanga na yakapin ang pagiging “Magiliw,” at “appreciate everything that you have, appreciate your time with family.”
Sinabi naman ni Mo, “Sana lahat ng wishes ninyo matupad, and mahalin ninyo ang mga mahal ninyo sa buhay at embrace natin iyong time na kasama natin ang pamilya natin.”
Naniniwala naman si Alas na marami pang Kapaskuhang magkakasama ang Alamat at mga Magiliw, habang pinaalalahanan ni R-ji ang mga tagahanga na “enjoy lang kayo lagi, huwag ninyong kalilimutang ngumiti, nandito lang kami.”
Pinasalamatan naman ni Jao ang mga tagahanga para sa suporta, at sinabing, “alam n’yo naman na mahal namin kayo at ipinapakita namin iyan through our performances.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.