Mrs. Philippines International ipinakilala ang unang 15 kalahok para sa 2023
SA SUSUNOD na taon pa nakatakda ang pagtatanghal ng 2023 Mrs. Philippines International pageant, ngunit ipinakilala na ng organisasyon ang 15 sa mga kalahok na makikipagtagisan sa patimpalak.
Tinanggap ng mga kandidata, na bumubuo na sa kalahati ng inaasahang 30 kabuuang bilang ng mga kinatawan para sa 2023, ang kanilang mga sash na nagtatakda ng mga lugar na bibitbitin nila para sa patimpalak sa isang thanksgiving ball ng organisasyon sa Glass Ballroom ng Okada Manila sa Parañaque City noong Dis. 22.
Tutukuyin na sa susunod na mga linggo ang iba pang mga kalahok, at ipakikilala bago ang final competition, na itatanghal sa grand ballroom ng Okada Manila sa Marso.
Buong puwersa ang lalawigan ng Cebu, na lahat ng mga nagwagi sa regional pageant nito nakapasok sa national pageant. Sinamahan pa sila ng kanilang regional director, ang Cebuana beauty queen na si Jessica Eribal, na hinirang bilang Mrs. International sa Singapore noong 2017.
Kinilala rin ng Mrs. Philippines International organization ang Mrs. Cebu Philippines pageant bilang “Best Regional Pageant,” habang “Best Regional Director” si Eribal. Pumangatlo naman si Irma Bitzer, kinatawan ng North Cebu City sa national pageant, sa botohan para sa “Darling of the Press.”
Si Vernelie Diane Babasa mula Lipa City sa Batangas ang nakalikom ng pinakamaraming boto mula sa mga kawani ng midya na dumalo sa ball, habang nakuha ni Evangeline Pulvera mula Bohol ang pangalawang pinakamataas na bilang ng mga boto.
Ipinagbunyi rin ng organisasyon ang mga nakamit ng mga reyna nito sa international pageants na itinanghal kamakailan—sina Mrs. National Globe Marie Abigael Bayuga, Mrs. Grand International Imperial Patrizha Meer-Banzuela, at Mrs. Heritage International fourth runner-up Christel Bulabon.
At sa wakas, makalalaban na rin si Michelle Vitug Encarnacion, na kinoronahan bilang Elite Mrs. Philippines International noon pang 2019. Nakatakda siyang tumulak sa Singapore sa Pebrero para sa kaniyang pandaigdigang patimpalak.
Nilabas din ng organisasyon ang bago nitong koronang tinawag na “Hera” para sa 2023 pageant. Ipinakita ito ni reigning Mrs. Philippines International Leona Luisa Andersen-Jocson. Ito rin ang unang opisyal na pagtitipon kung saan ipinakilala ang bagong-kasal na reyna gamit ang bago niyang apelyido.
Naghayag si Mrs. Philippines International CEO Maan Aris ng pasasalamat para sa regional directors at sa lahat ng mga katuwang ng patimpalak para sa suporta sa kaniyang paghahangad “to give opportunities to Filipino moms,” at makapaglaan ng karagdagang mga plataporma kung saan magagamit ng mga babae ang kanilang tinig “and inspire other people.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.